Inanunsyo ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) nitong Miyerkules na tuloy ang isinasagawa nilang pamamahagi ng libreng antigen testing sa kanilang mga pasahero hanggang sa Hunyo 30, 2022.

Sinabi ng MRT-3 na libreng magpa-antigen testing ang mga pasahero sa kanilang mga istasyon sa North Avenue at Shaw Boulevard, tuwing 7:00 hanggang 8:00 ng umaga, gayundin sa mga istasyon ng Cubao at Shaw Boulevard, mula 4:00 hanggang alas-5:00 ng hapon.

Ayon sa MRT-3, kinakailangan lamang ng mga pasahero na magtungo sa mga nasabing istasyon para sa Covid-19 test.

“Magpapatuloy ang libreng antigen testing ng pamunuan ng MRT-3 hanggang ika-30 ng Hunyo, 2022, sa mga boluntaryong pasahero nito,” anunsiyo pa nito.

TINGNAN: Listahan ng mga nag-file na kandidato sa pagkasenador at party-list

Matatandaang noong Enero 11, 2022, inilunsad ng MRT-3 ang libreng antigen testing, sa pakikipagtulungan sa Department of Transportation (DOTr), upang mabantayan ang kaligtasan ng mga pasahero laban sa COVID-19.