Isa ang representative ng 1st district of Bataan na si Geraldine Roman sa hindi sumang-ayon sa naging pagtrato kay blogger/journalist Sass Sasot sa isang graduation ceremony na ginanap sa simbahan ng isang religious group sa Dasmariñas, Cavite noong Hunyo 3.
Inimbitahan si Sasot bilang guest speaker sa graduation ceremony ng mga Senior High School students ng Southern Philippines Institute of Science and Technology na matatagpuan naman sa Imus, Cavite.
Pinatayan ng ilaw at pinatayan ng sound system si Sasot sa kalagitnaan ng kaniyang talumpati. Hindi naman nagpapigil ang journalist at nagtuloy-tuloy lamang sa pagbigkas ng kaniyang talumpati sa kaniyang cellphone. Binuksan naman ng mga mag-aaral ang flashlight ng kanilang cellphones upang tanglawan ang kanilang guest speaker.
Basahin: https://balita.net.ph/2022/06/04/sass-sasot-pinatayan-ng-ilaw-sound-system-habang-nagtatalumpati-sa-isang-graduation-ceremony/">https://balita.net.ph/2022/06/04/sass-sasot-pinatayan-ng-ilaw-sound-system-habang-nagtatalumpati-sa-isang-graduation-ceremony/
Subalit maya-maya, isang staff ng venue ang umakyat sa entablado upang pababain si Sasot. Dito na nahinto at hindi natuloy ang masaya sanang face-to-face graduation ceremony matapos ang lockdowns dahil sa pandemya.
Naglabas ng kaniyang sama ng loob si Sasot sa kaniyang social media platform subalit sa kabila nito, wala umanong balak magsampa ng kaso ang blogger/journalist. Hinikayat pa niya ang pamunuan ng paaralang nag-imbita sa kaniya na i-donate na lamang sa Church of God-Dasmariñas ang honorarium o bayad sa kaniyang speakership.
Basahin: https://balita.net.ph/2022/06/04/cancelled-na-si-sass-sasot-idinetalye-mga-nangyari-sa-grad-ceremony-incident-may-kakasuhan-ba/">https://balita.net.ph/2022/06/04/cancelled-na-si-sass-sasot-idinetalye-mga-nangyari-sa-grad-ceremony-incident-may-kakasuhan-ba/
Ibinahagi rin niya ang buong kopya ng kaniyang talumpati na hindi na niya natapos basahin dahil nga sa mga nangyari.
Basahin: https://balita.net.ph/2022/06/06/ano-nga-ba-ang-nilalaman-ng-talumpati-ni-sass-sasot-sa-kontrobersiyal-na-graduation-ceremony/">https://balita.net.ph/2022/06/06/ano-nga-ba-ang-nilalaman-ng-talumpati-ni-sass-sasot-sa-kontrobersiyal-na-graduation-ceremony/
Naglabas na rin ng opisyal na pahayag ang pamunuan ng paaralan, sa pamamagitan ng President at CEO nitong si Dr. Erlinda Manzanero.
Humingi na rin sila ng paumanhin kay Sasot, sa isa pang hiwalay na opisyal na pahayag.
Agad naman itong tinanggap ni Sasot at nagpasalamat sa pamunuan ng paaralan.
Naglabas na rin ng opisyal na pahayag ang pamunuan ng Church of God-Dasmariñas sa pamamagitan ni Senior Pastor Bishop Anthony V. Velasco, DD. h.c., noong Hunyo 4. Aniya, kasama umano sa naging kasunduan nila na hindi maaaring magsagawa ng performance o magsalita bilang guest speaker ang isang miyembro ng LGBTQIA+ community.
Basahin: https://balita.net.ph/2022/06/04/cog-dasma-sumagot-na-sa-pagpapalayas-kay-sass-we-cannot-allow-our-pulpit-to-be-desecrated/">https://balita.net.ph/2022/06/04/cog-dasma-sumagot-na-sa-pagpapalayas-kay-sass-we-cannot-allow-our-pulpit-to-be-desecrated/
Iginiit naman ni Sasot na siya talaga ang target ng COG-Dasmariñas at walang kinalaman ang pagiging transgender niya, dahil ang host ng event ay isang LGBT.
Kinondena naman ni Cavite Governor Jonvic Remulla ang naganap na insidente. Naka-tag ito kay Rep. Roman na kilalang advocate ng karapatan ng LGBTQIA+ community at tagasulong ng Sexual Orientation and Gender Identity Expression Equality Bill o SOGIE Bill. Kilala rin ito bilang 'Anti-Discrimination Bill'.
Basahin: https://balita.net.ph/2022/06/05/what-a-shame-cavite-gov-remulla-nag-react-sa-ginawa-ng-cog-dasma-kay-sass-sasot/">https://balita.net.ph/2022/06/05/what-a-shame-cavite-gov-remulla-nag-react-sa-ginawa-ng-cog-dasma-kay-sass-sasot/
Nire-share naman ito ni Rep. Roman sa kaniyang Facebook account.
"Thank you for your enlightened response on this unfortunate incident, Gov. Jonvic Remulla! Let us all work together to end discrimination and pass the Anti-Discrimination Bill. Rest assured that I will continue to champion equality in the 19th Congress," ani Rep. Roman.
Nagsagawa ng isang Facebook Live si Roman upang kondenahin ang ginawa kay Sasot. May caption itong 'NO TO DISCRIMINATION! IPASA NA ANG SOGIE EQUALITY BILL!'
"Para po sa akin bilang isang transwoman… hindi po makatarungan ang mga pangyayaring ito. Hindi naging makatarungan ang naging posisyon ng Church of God. Hindi po ito naging makatao. Dahil kahit anong sabihin ninyo, tao po si Ms. Sass, and may I also say that, all members of the LGBTQIA+ community are human beings," giit ni Roman.
"At dahil sila ay tao, mayroon silang karapatang pantao, at dahil kami ay mga mamamayan ng bansang ito, mayroong kaming mga civil and legal rights…"
Samantala, wala pang tugon o reaksiyon ang Church of God Dasma sa pahayag nina Cavite Governor Remulla at 1st District of Bataan Rep. Roman.
Ngayong Hunyo ay ipinagdiriwang ang 'Happy Pride Month' para sa LGBTQIA+ community.