Umantig sa maraming netizens at subscribers ng Beks Batallion ang kamakailang pagdalaw ng YouTube trio sa puntod ng ina ni MC.

Sa kanilang YouTube vlog na ibinahagi noong Hunyo 2, magkahalong saya at pagbabalik-tanaw sa ala-ala ng yumaong ina ni MC ang ibinahagi ng Beks Batallion sa kanilang mahigit dalawang milyong subscribers.

Ito ang kauna-unahang pagkakataon na binisita ng mga kaibigang si Chad Kinis at Lassy ang puntod ng ina ni MC para sa kaarawan nito sa isang Loyola Memorial Park noong Mayo 31.

Sa parehong vlog, kasama ng kapatid ni MC na si Archie, binalikan ng dalawa ang mga iniwang alaala ng kanilang Mama Lorna. Dito ibinahagi rin ni MC na sa kanyang ina niya nakuha ang pagiging malinis sa paligid, na kilalang isa sa kanyang kapansin-pansing katangian.

Human-Interest

Asong malungkot din sa pagkamatay ng fur dad, dumurog sa puso ng netizens

Sunod na ipinakilala ni MC sa kanyang ina ang inilarawan niyang “bagong pamilya” sa tauhan nina Chad at Lassy.

Isang mataimtim na dasal ang inalay ni MC sa ina, bago nila lisanin ang puntod nito.

Muling namang nagpasalamat ang magkapatid sa kanilang ina sa pagiging mabuting ehemplo at pagpapalaki sa kanila bilang “mabubuting tao.”

Tiniyak din ni MC sa kaniyang ama at ina, na sa parehong puntod nakahimlay, ang maayos na nilang pamumuhay sa ngayon at aniya'y hindi na dapat mag-alala pa.

Taong 1994 nang pumanaw ang ama ni MC. Taong 2011 naman nang sumunod na nawala ang kanilang ina.

Nagtapos ang vlog matapos kumain ang trio sa isang restaurant na nauwi pa rin sa karaniwang kulitan at tawanan.

Samantala, ilang netizens ang naantig sa malalim na pagkakaibigan ng tatlo.

“Ang gagaling niyo, kahit yung ganito nagiging masaya para sa aming mga ka-BBBs,” komento ng isang follower.

“Ramdam na ramdam ko yung pagkamiss ni MC sa mama nya…kahit masaya yung kanta naluluha ako habang kumakanta kayo ng happy birthday. Ingat kayo palagi Beks Batallion!”

“Nakaka happy naman ng heart. Happy birthday sa mama mo in heaven, Ate MC! Thank you sa pag introduce sa kanya ng bago mong family ngayon including Beks Battalion & Beks Squad.”

“Nakakatuwa yung closeness niyong tatlo. Like sa ganitong mga pagkakataon, magkakasama pa din kayo. True friends! Stay intact my loves.”

Tumabo na sa mahigit 360,000 views ang YouTube vlog ngayong Linggo, Hunyo 5.