Nagpanggap na contestant ng 'Tawag ng Tanghalan' ang TV host at actor na si Jhong Hilario sa pagbabalik niya sa noontime show na 'It's Showtime'. Hindi napigilan nina Vice Ganda at Anne Curtis na maging emosyonal sa pagbabalik ng kapwa nilang host.

Isa si Jhong sa mga nagperform na contestant sa'Tawag ng Tanghalan' nitong Sabado, Hunyo 4. Hindi nahalata ng Showtime hosts ito dahil may balbas at nakasuot ito ng salamin, cap, at scarf.

Makikita rin ang pagkagulat ng mga ito nang i-reveal ang sarili habang nagpeperform.

"Grabe! Kumpleto na tayo!" sigaw ni Vhong Navarro.

Anne Curtis, opisyal nang magbabalik sa 'It's Showtime'

Halos dalawang taon din nawala sa Showtime si Jhong dahil buntis ang kaniyang misis noong 2020, kasagsagan ng pandemya. Natakot din siya noon na baka makapagdala siya ng virus sa kanilang bahay.

Nagtuloy-tuloy na rin ito nang tumakbo siya bilang councilor ng Makati City para sa kaniyang ikatlong termino. Nagwagi naman ang aktor.

Matatandaan na naunang bumalik sa noontime show si Anne Curtis matapos ang dalawang taong hiatus dahil lumipad sila ng kaniyang asawa na si Erwan Heussaff patungong Australia para ipanganak si Dahlia, kanilang panganay na anak.