Hihintayin na lamang ng mga transport group na maupo si Ferdinand Marcos, Jr. bilang Pangulo ng bansa bago nila isulong ang panawagang dagdag-pasahe sa mga public utility vehicles (PUVs) sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.
Ipinaliwanag ni Stop & Go Coalition national president Zaldy Ping-ay sa isang panayam sa telebisyon, mababalewala lamang ang gagawin nilang aksyon o apela na itaas ang pasahe sa pampublikong sasakyan sa mga susunod na linggo dahil paalis na sa puwesto ang kasalukuyang administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.
“Wala na ring saysay kasi ginawa na namin ‘yon. Ngayon pa kaya na malapit pa silang bumaba, umalis?Kaya siguro, baka sa susunod na lang na pamunuan, administrasyon kami aapela, kung sakaling itong pagtaas ng diesel ay patuloy na tumaas," paglilinaw ni Ping-ay.
Hindi aniya sila pinapansin ngLand Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB) sa ilang taon na nilang panawagang ipatupad ang mungkahing gawing automatic ang pag-adjust sa pasahe sa PUVs batay na rin sa pabago-bagong presyo ng produktongpetrolyo.
Pinag-aaralan na rin aniya ng kanyang grupong gumamit ng alternatibong paraan, kasama angLiga ng Transportasyon at Operators sa Pilipinas (LTOP) at Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines (FEJODAP) bunsod na rin ng patuloy na oil price increase.
Kabilang aniya rito ang paggamit ng electric jeepney, gayunman, tatalakayin lamang ito kung magkakaroon ng mga bagong hepe angDepartment ofTransportation (DoTr) at LTFRB.