Sa pagkilala sa kahalagahan ng teknolohiya sa gitna ng Covid-19 pandemic at sa panahon ng modernisasyon, sinabi ni Department of Education (DepEd) Secretary Leonor Briones na gagamitin pa rin ng bansa ang blended learning para sa darating na pasukan.

Ito ang sinabi ni Briones, noong Martes, Mayo 31, habang inulit niya na hindi “bibitawan” ng Pilipinas ang blended learning dahil hinihikayat niya ang lahat ng pampubliko at pribadong paaralan na magsagawa ng personal na klase para sa darating na school year (SY) 2022- 2023.

“Patuloy pa rin ang hybrid learning dahil nakikita natin na ang palakad sa mundo ngayon ay combination din ng face to face, digital, at tiyaka iba’t-ibang klaseng communication,” ani Briones sa isang virtual presser.

“Hindi natin bibitiwan ‘yung aspects ng blended learning lalo na sa technology, communication, at sa digitalization. Alam naman natin na talagang nandyan na, pero ang face to face mahalagang mahalaga ‘yan sa social development ng mga bata, mga very advanced students, as well as those na kailangan din ng direct guidance ng teachers,” dagdag niya.

National

4.8-magnitude na lindol, yumanig sa Surigao del Sur

Samantala, sinabi ni Briones na hindi dapat talikuran ng bansa ang teknolohiya, digitalization, at kasaysayan ng Pilipinas, at idinagdag na hindi dapat iwanan ang alinman sa face-to-face classes dahil ang mga tao ay kailangang makitungo sa kapwa tao kahit sa gitna ng panahon ng digitalization.

Noong Lunes, Mayo 30, hinimok ni Briones ang lahat ng mga paaralan sa bansa na magsagawa ng mga personal na klase para sa SY 2022-2023. Nilinaw naman ni DepEd Undersecretary Diosdado San Antonio na “hinihikayat” nila ang lahat ng paaralan na magsagawa ng in-person classes, ngunit idinagdag niya na ang DepEd ay nagbabalak na magpatupad ng “blended set up,” isang istilo ng edukasyon kung saan ang mga mag-aaral ay matuto sa pamamagitan ng electronic at online media gayundin ang tradisyonal na face to face instruction.

Charlie Mae F. Abarca