Nakapagtala ang Metro Manila ng “very slow” o napakabagal na pagtaas ng mga bagong kaso ng Covid-19 nitong nakalipas na linggo, ayon sa independent monitoring group na OCTA Research.

Sa kanyang tweet nitong Lunes, ibinahagi ni Dr. Guido David ng OCTA Research Group, ang datos ng daily average ng mga bagong kaso ng sakit na naitala mula Mayo 23 hanggang Mayo 29 na umabot ng 74.

Ito ay 2% na mas mataas kumpara sa 72 lamang na naitala mula Mayo 16 hanggang Mayo 22.

Ang one-week average daily attack rate (ADAR) naman ng rehiyon ay tumaas din ng mula 0.51 ay naging 0.52, gayunman, nananatiling less than 1 o nasa “very low” category.

TINGNAN: Listahan ng mga nag-file na kandidato sa pagkasenador at party-list

Ang reproduction number naman sa NCR ay nasa ‘moderate’ na ngayon matapos na muling tumaas sa 1.08 mula sa dating 1.02 lamang noong nakaraang linggo.

Ang positivity rate naman ay tumaas rdn at mula sa dating 1.2% ay naging 1.4%, mula sa average na 11,047 tests per day.

Anang OCTA, maging ang healthcare utilization sa NCR ay tumaas sa 23% mula sa dating 22% lamang ngunit nananatili pa rin naman itong “very low.”

“Overall, NCR remained at low risk. An uptick in cases is observed in the NCR, but the rate of increase in new COVID cases is very slow at this time,” ayon naman kay David.

Nabatid na nitong Linggo, nakapagtala ang bansa ng 200 bagong kaso ng COVID-19 infections.

Ang mga aktibong kaso naman ng sakit ay mababa pa rin sa 2,434.Sa naturang bilang, 70.8 milyon na ang fully vaccinated laban habang 66.7 milyon naman ang nakatanggap ng isang dose.

Nasa 14 milyong indibidwal ang nakatanggap na ng kanilang booster shots.