Pinatay ng isang land caretaker ang mag-ina matapos manlaban ang mga ito nang tangkaing gahasain ang ginang. Parehong pinagsasaksak ng suspek ang mga biktima.

Kinilala ng Antipolo City Police ang suspek na si Ramsay Gallego Nerves, at residente ng Sitio Kaysakat l, Brgy. San Jose, Antipolo City.

Si Nerves ang itinuturong suspek sa tangkang panggagahasa at pagpatay sa mag-inang sina Ana Liezel Villena, 51, at kanyang anak na si Arabella Tacuycuy, 19, sa loob ng kanilang tahanan sa Sitio Kaysakat III, Brgy. San Jose noong Linggo, Mayo 29.

Batay sa ulat, dakong alas-5:00 ng madaling araw ng Linggo nang pasukin ng suspek ang bahay ng mag ina sa Sitio Kaysakat lll, Brgy. San Jose.

TINGNAN: Listahan ng mga nag-file na kandidato sa pagkasenador at party-list

Tinangka umano nitong gahasain ang ginang ngunit nanlaban ito kaya’t ginilitan siya ng leeg at pinagsasaksak ng suspek na nagresulta sa kanyang kamatayan.

Nakita naman umano ng anak ang pagpatay sa ina kaya’t tinangka itong tulungan, ngunit maging siya ay pinagsasaksak rin at napatay ng suspek.

Mabilis na tumakas ang suspek matapos ang krimen.

Lingid sa kaalaman ng suspek, nakapag-iwan siya ng mga bakas ng dugo mula sa crime scene hanggang sa kanyang tahanan kaya’t mabilis siyang natunton at naaresto ng mga pulis sa loob mismo ng kanyang tahanan dakong alas-12:20 ng tanghali.

Duguan pa umano ang suspek at may mga sugat sa katawan, nang madakip nina PSSg Leodigario Quinto, Pat Kenji Singian at Pat Rowan Dioquino.

“Ang naging resulta dugo mga bakas dugo maraming dugo sa traces pagtakas sa halamang patungo sa kanyang bahay. May bakas ng dugo. Nag-try nga siya linisin ang sarili," ayon kay PLTCOL June Paolo Abrazado, hepe ng Antipolo City Police.

Nakarekober din umano ang mga pulis sa tahanan ng suspek ang kanyang duguang mga damit at mga drug paraphernalia.

Umamin rin umano ang suspek sa krimen ngunit nang dadalhin na siya sa presinto ng PCP 2 sakay ng mobile 05, ay bigla umano itong sinunggaban ang service firearm ni PSSG Quinto at tinangkang agawin.

Nagkaroon umano ng agawan ng baril sa pagitan ng suspek at ni PSSG Quinto sanhi upang pumutok ang baril ng dalawang ulit.

Dito na napilitan sina Pat. Singian at Pat. Dioquino na paputukan na ang suspek, na kaagad ring dinala sa Cabading Hospital upang malunasan, ngunit dead on arrival na ito.