Nasa kustodiya ngayon ng Makati City Police ang dalawang menor-de-edad makaraang saksakin umano ang isang lalaki nitong Linggo, Mayo 29.

Ang mga suspek ay itinago sa alyas AJ, 14 at alyas Rey, 14, kapwa estudyante at taga-Makati City.

Nilalapatan ng lunas sa Ospital ng Makati ang biktima na kinilalang si Mark Omega, 21, sanhi ng saksak sa iba't ibang bahagi ng katawan.

Sa report na natanggap ng Southern Police District (SPD), naganap ang pananaksak sa biktima sa Corpuz St., West Rembo, Makati City, dakong 7:00 ng umaga nitong Linggo.

National

OVP, nagpaliwanag hinggil sa 'casual meeting' nina VP Sara at Ex-VP Leni sa Naga

Ayon sa inisyal na imbestigasyon at base na rin sa salaysay ng saksi na isang alyas Liam,bago ang pananaksak nagkaroon umano ng mainit na pagtatalo ang mga suspek at grupo ng biktima sa hindi batid na dahilan hanggang sa nagpasyang umalis sa lugar sina AJ at Rey.

Subalit pagbalik ng dalawang suspek ay agad kinumpronta ang biktima at biglang inundayan ng saksak si Omega sa katawan.

Kaagad na rumesponde ang Bantay Bayan na nagresulta ng pagkakaaresto ng dalawang suspek at nakumpiska ang tactical knife na may anim na pulgada ang haba.

Mabilis namang dinala ang biktima sa naturang pagamutan upang malapatan ng lunas.

Ang dalawang kabataan ay mahaharap sa kasong Frustrated Homicide at dadalhin sa pangangalaga ng  Bahay Pag-Asa.

“It is very alarming that the suspects are both minors’ kung saan walang pinipiling edad, lugar o oras para mambiktima. Malaking bahagi at tungkulin din para sa mga magulang/guardian na sila ang dapat manguna sa pagbabantay sa kanilang mga anak at ang tamang paggabay sa lahat ng kanilang mga ginagawa. I am reminding the public to be extra vigilant and observant of your surroundings. Do not hesitate to ask for assistance from your nearest police station and report any incident that will compromise your safety and security,” sabi ni SPD Director, Brigadier General Jimili Macaraeg.