Nagpaabot na rin ng pagbati sa incoming administration ni President-elect Bongbong Marcos Jr. ang showbiz veteran na si Manay Lolit Solis.

Sa isang Instagram post, Biyernes, idinaan ni Manay Lolit ang kanyang pagtanggap sa bagong pinuno ng bansa.

Aniya, parang “dream come true” para kay Marcos Jr. ang muling bumalik sa Malakanyang matapos unang manirahan dito noong panunungkulan ng kanyang amang si Ferdinand Marcos Sr. noong 70’s.

“Parang isang magandang panaginip at nostalgic sa parte nilang magka kapatid na muli nanduon sila sa lugar kung saan sila ng kabataan nila,” ani Manay Lolit.

Paghihikayat pa niya, dapat na mabigyan ng pagkakataon si BBM ang mapatunayan ang kapasidad nito para sa bayan.

“Maging maayos tayo sa pagtanggap ng gusto ng 31M na tao na bomoto sa kanya. Tignan muna natin ang magagawa niya, ang gagawin niya, saka natin husgahan. Huwag natin gawin bulag ang mga mata natin kung sakali at may maganda siyang idea, at dapat ipagdasal natin na sana maging maayos ang palakad niya para narin sa kabutihan ng bayan,” anang showbiz veteran.

“Tanggapin natin ng maluwag ang pasiya ng nakararami para narin sa katahimikan ng bayan. Welcome the new set of leaders, pray for their success👍.”