Patay ang isang motorcycle rider nang mawalan ng preno ang isang trailer truck at araruhin ang pitong sasakyan, na kinabibilangan ng motorsiklo ng biktima, sa pababang bahagi ng Ortigas Avenue sa Pasig City nitong Miyerkules ng gabi.

Ang biktima na kaagad na binawian ng buhay ay nakilalang si Jhames Morga, 29, Fitness Ambassador, at residente ng Edsa South Triangle, Quezon City.

Sugatan ngunit nasa maayos naman nang kalagayan si Jonathan Joaquin, 31, Grab Driver ng Brgy. Sumilang, Pasig City.

Nadamay rin naman sa aksidente ang iba pang driver na sina Alwen Cardel, 33, Liason Staff, ng Brgy. Sun Valley, Paranaque City; Jose Claro Santos, 51, ng bank employee, ng Brgy. Sta Lucia, Pasig City; Danilo Quiamco Jr., 40, bus driver, ng Brgy. San Jose, Antipolo City; Rey Morato, 52, driver, ng Brgy. Sta Lucia, Pasig City at Nhuel Laciste, 29, ng Brgy. Malinao, Pasig City.

National

Northern Samar, niyanig ng magnitude 4.3 na lindol

Samantala, kusang-loob namang sumuko at nakapiit na ang driver ng trailer truck na si Francis Figueroa, 42, ng Navotas City.

Batay sa ulat ng Pasig Traffic Division, dakong alas-8:15 ng gabi nang maganap ang aksidente sa pababang bahagi ng Ortigas Avenue, kanto ng E. Rodriguez Avenue (C-5 Road) sa Brgy. Ugong, Pasig City.

Kasalukuyan umanong binabaybay ni Figueroa, sakay ng trailer truck, na may plakang WTD 477, ang Ortigas Avenue patungong Rosario sa Pasig, upang magdeliber sana ng mga kargang perishable goods, nang pagsapit sa pababang bahagi ng kalsada, ay bigla na lang itong nawalan ng preno at kontrol sa manibela.

Dahil dito, inararo ng trailer truck ang tatlong sports utility vehicle (SUV), tatlong motorsiklo at isang bus na nasa unahan nito at kasalukuyang nakatigil sa trapik.

Kaagad namang binawian ng buhay si Morga, na lulan ng itim na Yamaha Mio Sporty, na may plakang NG81948, matapos na makaladkad pa ng trailer truck.

Labis naman ang paghingi ng paumanhin ng driver ng truck sa mga biktima, partikular na sa pamilya ng namatay na rider, at sinabing hindi niya kagustuhan ang pangyayari.

Ang suspek, ay nakapiit na sa Pasig Traffic Division, at mahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in homicide and multiple damage to property.