Nasasabik na raw ang showbiz columnist na si Manay Lolit Solis sa liderato nina President-elect Bongbong Marcos at Vice President-elect Sara Duterte na naiproklama na nitong Miyerkules, Mayo 25.

Umabot sa higit 31M ang nakuhang boto ni BBM habang higit 32M naman ang mga bumoto kay Duterte.

Kaya naman si Lolit, nais na raw makita kahit kaunting pagbabago. Sa palagay niya kasi ay matanda na raw si 'Papa Digong' o si outgoing President Rodrigo Duterte, kaya mga batang lider ang tingin niya kina BBM at Sara.

"Parang excited na ako Salve sa pag-upo nina Bongbong Marcos at Sara Duterte. Parang gusto ko makita kahit konti lang na pagbabago, dahil siguro ang tingin ko kay Papa Digong matanda na, parang mga batang leader ang tingin ko kila Bongbong at Sara," saad ni Loit sa kaniyang Instagram post nitong Mayo 25.

Bigyan daw sana ng pagkakataon ang dalawa na makapamuno sa bansa at huwag na munang salubungin ng negative vibes.

"Let us give them a chance to work for a better result, huwag na natin bigyan ng negative vibes pa dahil lang sa hindi natin sila gusto, isipin na lang natin ang bayan. Hindi madaling maging leader lalo na sa Pilipinas na ang daming kritiko, lahat pabibo. Sa Quezon City maligaya ang lahat kay Mayor Joy Belmonte dahil may resibo ang mga nagawa niya."

"Mabuti na lang at re-elected siya kaya tuloy-tuloy ang mga projects niya. Sure ako na makikita rin nina Bongbong at Sara ang magandang takbo ng Quezon City at lalo pa nila itong tutulungan para mas marami pang projects nito ang maayos na magawa."

"Hay naku, mga bata, energetic at aggressive leaders ngayon ang namamahala sa atin. Kaya naman, hoping for the best, and praying for a better Philippines. Mabuhay," giit pa ni Lolit.