Matapos lumitaw ang balitang tinanggap ni Cavite Representative Jesus Crispin 'Boying' Remulla ang alok sa kaniyang maging susunod na Department of Justice (DOJ) Secretary ng administrasyong Marcos, tila nagpahayag namang hindi komportable rito ang pasimuno ng Maginhawa Community Pantry na si Ana Patricia Non.

Matatandaang na-red tag ni Remulla si Non at ang mga community pantries noong kasagsagan ng lockdowns.

"Very uncomfortable na si Rep. Boying Remulla na ang DOJ Sec. Di ko malilimutan 'yung mga accusation niya sa Community Pantry PH noong nakaraan taon sa Congress," saad ni Non sa kaniyang Facebook post noong Lunes, Mayo 23. Sa ngayon ay hindi na mahagilap ang naturang Facebook post.

"Di ko alam kung anong justice system ang magkakaroon tayo."

"Ang sama sa loob na akusahan tayong mga pantry organizers na nagpapasikat dahil may posts tayo. Di man lang inisip na ito 'yung nag-iinform sa public kung saan may existing pantries para madaling puntahan ng mga nangangailangan at donors."

"Movement ng love at kindness sa buong bansa pero pinag-iisipan nang masama yung mga nagtutulungan."

Sa ngayon ay tila burado o tinanggal na ni Non ang naturang post sa kaniyang Facebook account.

Kamakailan lamang ay ginawaran ng parangal si Non ng parangal na 'Ambassador’s Woman of Courage' dahil sa kaniyang hakbang na tumulong sa mga Pilipino sa panahon ng pandemya ng COVID-19, lalo na noong 2020.

Ibinahagi ni US Embassy in the Philippines Chargé d'Affaires, ad interim Heather Variava ang nakararangal na balita sa Twitter.

"Empowered and courageous women can change the world for the better. I presented the Ambassador’s Woman of Courage Award to Ana Patricia Non for her community pantry initiative that inspired Filipinos to combine resources and help one another during the COVID-19 pandemic," ayon sa tweet ni Variava ngayong Mayo 18, 2022. Kalakip nito ang litrato nila ni Non habang iginagawad ang sertipiko ng pagkilala.

Sa kaniyang Facebook post, nagpasalamat naman si Patreng sa parangal na kaniyang natanggap.

"Maraming salamat po sa U.S. Embassy in the Philippines sa pag-recognize ng Community Pantry at sa mga matatapang na kababaihan na nagtataguyod nito. Malaking bagay po ito sa aming mga organizers. Yakap po!"

Basahin: https://balita.net.ph/2022/05/18/pasimuno-ng-maginhawa-community-pantry-ginawaran-ng-ambassadors-woman-of-courage-award/">https://balita.net.ph/2022/05/18/pasimuno-ng-maginhawa-community-pantry-ginawaran-ng-ambassadors-woman-of-courage-award/

Ang Maginhawa Community Pantry ay tila kabuting sumulpot na rin sa iba't ibang lugar sa Pilipinas at nagkaroon din ng iba't ibang bersyon, hindi lamang mga pagkain kundi maging mga aklat, damit, laruan, at iba pa.

Sumikat dito ang linyang "Magbigay ayon sa kakayahan, kumuha batay sa pangangailangan.