Nagreklamo ang isang umuwing OFW mula sa Hong Kong nang malimas ang kaniyang mga pasalubong na chocolates na nasa loob ng kaniyang maleta, nang kunin na niya ito sa carousel ng Ninoy Aquino International Airport o NAIA.

Ayon sa Facebook post ni Jonna Florlegarda Valdenebro Vigo noong Mayo 23, naghinala kaagad siyang may problema sa kaniyang bagahe nang makita niyang sira ang gilid ng zipper nito at nakaluwa na ang ilan sa mga laman.

Nang buksan ni Vigo ang maleta, nawawala na nga ang mga pakete ng Toblerone na pasalubong sana niya sa kaniyang uuwiang pamilya.

Nagawa pang makuhanan ng litrato ni Vigo ang laman ng kaniyang maleta bago ito lumipad. Makikita nga ang ilang pakete ng chocolates sa loob.

Trending

Lalaki, nalulong sa sugal; ipon na ₱800K, naglaho na lang parang bula

"SHOUT OUT DYAN SA CUSTOM NG CEBU PACIFIC MANILA… ANG GAGALING N'YO… ANO 'YAN NAGHIHIRAP NA BA KAYO… OR MY PINAGMANAHAN KAYO… HUSTISYA SA MGA NAWALA…" caption niya sa kaniyang Facebook post.

Sa comment section ng kaniyang FB post ay nagpatuloy pa siya.

"'Yong luggage ko pa check in ko sa Manila ok naman…. nag-add pa nga ako pag check out ko sa Roxas kukunin ko na luggage hindi ko makuha hindi ko ma-claim madaming luggage nawalan tapos sabi sa Manila daw kaya ideliver bukas… umalis na kami sa airport after 10 minutes tumawag sa akin, naroon daw luggage ko nak-wrap na, sabi ko nakita ko na 'yan hindi ko kinuha kasi hindi akin… dumating Manilla to Roxas airport naka-wrap na… naka-wrap na kasi binutas na nila…"

Samantala, wala pang tugon o pahayag ang binanggit ng netizen na Cebu Pacific at maging ang NAIA tungkol dito.