Kamakailan lamang, ipinakita ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) sa publiko ang bagong disenyo nito na kung saan ay tampok ang pambansang ibon ng Pilipinas. Kilalanin ang tao sa likod ng mahusay na pagkakakuha ng larawan ng Philippine eagle.

Si Floyd Bermejo ay isang wildlife photographer at professional pilot. Siya ang kumuha ng larawan ng Phillippine eagle na bida sa bagong P1,000 polymer banknote.

Floyd Pison Bermejo (Photo from Bangko Sentral ng Pilipinas)

Human-Interest

LABUBudol? Mga artistang nahumaling sa 'Labubu craze!'

Sa panayam kay Floyd ng Manila Bulletin noong Mayo 3, ibinahagi niya ang kanyang mga naging karanasan bilang wildlife photographer at kung papaano niya nakunan ang larawan ng Philippine eagle.

Aniya, walong taon na siya bilang wildlife photographer. Sinabi niya dito na sumali siya sa Wild Bird Photographers ng Pilipinas noong 2014. Sa taong ring ito, nagsimula siyang kumuha ng mga larawan ng mga wild bird, at ang Philippine eagle, aniya, ang siyang 'Top 1' sa kanyang listahan dahil ito raw ang pinakamaganda at pinakamalaking bird of prey dito sa ating bansa.

Taong 2017, ang kanyang kaibigan na mula Negros ay bumuo ng Negros Bird Conservation Society. Sa taon ring ito, bumyahe siya patungong Davao upang personal na masaksihan at makuhanan ang ganda ng Philippine eagle.

Dito ay binisita niya ang Philippine Eagle Center na pinamamahalaan ng Philippine Eagle Foundation upang magbakasaling makuhanan ng larawan ang mailap na agila.

Ani Floyd, may mga apat na Philippine Eagle na nasa labas ng kanilang mga enclosure, pero nanatili siya kay “Imbulog” dahil para sa kanya, ito ang pinaka-photogenic. Ang Imbulog, na ang ibig sabihin ay pumailanglang, ay isa sa mga bihag na pinalaki ng Philippine Eagle Center.

Ngunit bago pa man siya dumayo ng Davao ay nag-research siya tungkol sa Philippine eagles — kung paano ito kumilos dahil gusto niya itong kunan ng larawan na bahagyang nakataas, medyo nakatingin sa ibaba at medyo sa kanan ng kanyang lens.

Sinuri niya rin ang mga larawan ng iba pang mga photographer para sa inspirasyon at para mag-plano kung paano niya maipapakita ang kanyang makukuhanang larawan sa ibang paraan.

Mahigit dalawang oras niyang pinag-tyagaang makuhanan ng larawan si Imbulog.

"In those moments, I kept looking at his beautiful blue eyes and wondered why someone would harm such a wonderful creature. Why they would ever want to destroy its kingdom," pagbabahagi naman ni Floyd sa kanyang personal website.

Ayon pa kay Floyd, nakita ng taga-BSP ang kanyang mga shots sa Internet, at agad namang nakipag-ugnayan ito sa kanya sa pamamagitan ng Facebook.

Hindi naman pinabayaran ni Floyd sa BSP ang larawan, naisip niya na parte lamang ito ng kasaysayan at ibibigay niya ng libre. Hindi niya umano maipaliwanag ang tuwang kanyang naramdaman ngayong immortalized na umano ang kanyang shots sa nasabing Philippine eagle.

Aniya, "Actually , I still think that I am dreaming. This is a once in a lifetime opportunity and I'm so proud so honored. I felt more excited when I saw in the news that it would be used in a paper bill for circulation and not just in a commemorative banknote. What a way to spread awareness about our national bird."

Noon ay nangako siya sa kanyang sarili na gagawin ang lahat ng kanyang makakaya upang mailigtas ang ating pambansang ibon mula sa lahat ng uri ng banta.

"Through my photographs, I hope people would be aware that we have so many marvelous endemic species that need protection from extinction," ani Floyd. — Karen Joy Sapico