Hindi na umaasa ang grupo ng mga biktima ng Martial Law noong panahon ni Pangulong Ferdinand Marcos, Sr. na marekober pa ang ill-gotten wealth ng pamilya Marcos dahil sa inaasahang pag-upo ni Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr. bilang presidente ng bansa.
"Di na po kami umaasa na magkakaroon ng katotohanan 'yung pagre-reclaim,pagre-recover nung anumang nalalabing nakaw na yaman at patuloy na nila 'yang mapagtatakpan," paglalahad ni Bonifacio "Boni" Ilagan ng Campaign Against the Return of the Marcoses and Martial Law (CARMMA) sa panayam sa telebisyon nitong Sabado, Mayo 14.
"Kung naitanggi at naitago ng mga Marcos 'yung kanilang nakaw na yaman nang hindi pa siya presidente,papaano pa naman mahahabol na siya na ang presidente,"banggit ni Ilagan.
Kabilang si Ilagan sa mga inaresto at tinorture dahil sa pagtuligsa ng kanyang grupo sa administrasyon noong 1974.
"Sa madaling sabi po ang dami po kasing entitlement once naupo ka na sa position of power what more kung pinakamataas na posisyon,"paglilinaw ni Ilagan.
Nasa $5 bilyon hanggang $10 bilyon ang ill-gotten wealth ng pamilya Marcos, at ang malaking bahagi nito ay idineposito sa ibang bansa, ayon sa Presidential Commission on Good Government (PCGG).
Nangangamba rin si Ilagan na posibleng isantabi ang mga human right violation cases laban sa pamilya Marcos sa pag-upo ni Marcos, Jr. sa puwesto.
Aabot na sa P170 bilyon ang narekober ng pamahalaan sa pamilya Marcos sa nakaraang 30 taon.
Nauna nang inihayag ni Marcos, Jr., na nahaluan umano ng "fake news" ang usapin sa ill-gotten wealth at P203 bilyong estate tax ng kanilang pamilya.