Isa sa mga certified Kakampink celebrity na nagtanggol sa Leni-Kiko tandem magmula day 1 hanggang sa pagtatapos ng halalan ay ang showbiz columnist na si Ogie Diaz.
Sa pagkalamang umano ng boto ng UniTeam standard bearers na sina presidential candidate Ferdinand 'Bongbong' Marcos, Jr. at vice president at Davao City Mayor Sara Duterte, tanggap na umano ito ng Kakampink showbiz columnist, ayon sa kaniyang Facebook post nitong Mayo 11, 2022.
Narito ang kaniyang buong FB post:
“Iyak kayo ngayon. Talo Mama Leni n’yo.”
“O, ano na? Nanahimik kayo ngayon? Di ba, kayo diyan ang maiingay?”
"Madalas, 'yan ang nae-encounter kong comments. Tina-tag pa ako ng ilang supporters ni BBM. Pag sinilip mo ang mga accounts, kung hindi nagtatrabaho sa crusty krab, may picture na nakikipag-inuman sa kalye habang hubad baro; o kaya naman, walang personal na post para sa kanilang kandidato sa kanilang socmed accounts at papalit-palit lang ng profile pic. Sila yung masisipag lang dumayo at mag-comment sa mga posts mo."
"Makikipagtalo ka pa ba?"
"Hindi na."
"Kung si BBM/Sara man ang nanalo, to be honest, walang problema sa akin. Eh, yan ang pasya ng majority, eh. Lalo na kung sa malinis na paraan nanalo."
"Oo naman. Aaminin ko, nalungkot kami dahil natalo ang manok namin. Pero mas nalungkot kami para sa bayan. Kasi ako, lagi kong sinasabi — kahit sino pa ang maging Pangulo, kakain ang pamilya ko. Kakain ang mag-iina ko. Hindi sila magugutom. Makakapag-aral ang mga anak ko. May sapat akong ipon, may maganda akong trabaho."
"Actually, back to work na nga ako, eh. Tuloy ang buhay."
"Kung nagbubunyi ka sa pagkapanalo ng iyong manok habang wala ka pang work, hangad ko na sana’y magka-work ka na sa ilalim ng rehimeng BBM/Sara. At pag nagka-work ka, sana, okay din ang pasahod sa ‘yo ng papasukan mo."
"Kung hinahangad mo na maging beinte pesos ang bigas tulad ng ipinangako ni BBM, aabangan ko din ‘yan. Hindi na para sa akin, para sa lahat ng mga taong umasa na magiging 20 pesos nga per kilo ang bigas."
"Ipagdasal natin na isama na pati asukal, kape, gatas at iba pang pangunahing bilihin. Tapos, sana, hindi lang bigas. Baka magawan din ng paraan yung presyo ng gasolina, ibaba na din."
Pero may pakiusap siya sa lahat ng UniTeam supporters.
"Pero ito, wa echos talaga. Cross my heart. Sa mga BBM supporters, kasama n’yo ako pag may magagandang plano na maisasakatuparan para sa bayan ang susunod nating Pangulo."
"Hindi naman tayo bulag sa ganyan. Pag me magandang nagagawa ang pamahalaan, marapat lamang na papurihan at suportahan, lalo na’t taumbayan ang makikinabang."
"Pero pag may mali, may anomalya, may korapsyon, sana, magkakasama rin tayong sumita at i-call out ang dapat i-call out.
Okay ba ‘yon?"
"Kung okay, please share this."
"Kung hindi ka sang-ayon eh wala naman na akong magagawa. Basta hangad ko pa rin na sana masarap ang ulam mo today and for the next six years."
Sa isa pang Facebook post, ibinahagi ni Ogie ang mga inilatag na plataporma ni BBM at pinuring maganda naman ito. Ibinahagi niya ito upang magsilbing 'checklist' kung ang mga ito ba ay maisasakatuparan o maipapatupad.
"Sa mga nagtataka kumbakit walang plataporma, eto po. Meron naman."
"Pakibasa na lang po at tila magaganda naman. Let’s all pray na matupad para sa taumbayan, para sa 31M supporters ni BBM."
"Paki-share na lamang po para laging lalabas itong post na ito every anniversary sa timeline nyo to remind all of us and para malagyan din natin ng check ✅kung alin sa mga naipangako ang natupad naman."
Hinimok ni Ogie na kung pabor daw ang mga netizen sa mungkahi niya ay i-share ito sa social media.