Ibinahagi ni Ultimate Multimedia Star Toni Gonzaga-Soriano ang kaniyang pagbati kay presidential candidate at dating senador Ferdinand 'Bongbong' Marcos, Jr. sa pangunguna nito sa partial at unofficial results ng halalan na naganap nitong Mayo 9, na tinawag niyang 'Ninong Bong'.

Makikita sa Instagram stories ni Toni ang video clip ng kaniyang pag-awit ng 'Umagang Kay Ganda' sa naganap na miting de avance ng UniTeam noong Mayo 7 sa Paranaque City, gayundin ang pagyakap niya kay BBM.

"Congrats Ninong Bong," saad sa caption ni Toni at tinawag na niyang 'President' si BBM.

No description available.
Screengrab mula sa IG/Toni Gonzaga

Matatandaang simula nang i-guest ni Toni si BBM sa 'ToniTalks' at kapanayamin ay nagsimula na ang 'cancel culture' sa kaniya.

Lalo pa itong lumutang nang maging host siya ng proclamation rally ng UniTeam at magpahayag ng kaniyang pagsuporta sa BBM-Sara tandem.

Kinabukasan, nagbitiw siya sa reality show na 'Pinoy Big Brother' sa ABS-CBN at ibinigay ang pagiging main host kay Bianca Gonzalez.

Hayagan na rin ang pagtawag ni Toni ng 'Our President' kay BBM, na ninong nila sa kasal ng mister na si Direk Paul Soriano.