Umaapela ang isang parting Katoliko sa mga mamamayan na irespeto at igalang ang desisyon ng mga Pilipino sa pagpili ng mga susunod na lider ng bansa.

Ito ang mensahe ni Father Anton CT Pascual, pangulo ng church-run Radio Veritas, kasabay ng pangunguna ni Presidential frontrunner Ferdinand 'Bongbong' Marcos Jr. sa partial unofficial count ng Commission on Elections (Comelec).

Ayon kay Fr. Pascual, mahalagang kilalanin ang resulta ng halalan sapagkat isa ito sa mga katangian ng isang malayang lipunan.

"Let's respect the rule of the majority from a relatively peaceful, clean and credible election. That's appreciation of the democratic ideals of the foundation of sovereign popular will and rule of law,” pahayag pa ni Fr. Pascual sa panayam sa radyo.

National

Romina, patuloy na kumikilos patungong Southern Kalayaan Islands

Batay sa partial unofficial count para sa katatapos na May 9 polls,halos 31-milyong boto na ang nakuha ni Marcos Jr. kumpara sa 14.7-milyong boto lamang na nakuha ni Vice President Leni Robredo.

Nangunguna rin naman ang ka-tandem ni Marcos sa vice presidential race na si Davao City Mayor Sara Duterte na nakakuha ng 31.3 milyong boto kumpara sa siyam milyong boto lamang ng pumapangalawang si Senator Kiko Pangilinan.

Una nang nanawagan ang mga pastol ng simbahang katolika sa mananampalataya na igalang at tanggapin ang magiging resulta ng halalan.

Hinimok rin niya ang mga ito na muling magbuklod para sa pagpapanauli lalo na sa mga nagkaroon ng hidwaan dahil sa pagkakaiba ng mga kandidatong sinuportahan.

Sa kasalukuyan patuloy naman ang isinasagawang canvassing ng fourth copy ng election returns ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) sa University of Santo Tomas (UST).

Umaasa naman ang simbahan na mangibabaw ang katotohanan at katarungan sa isinagawang 2022 national and local elections sa kabila ng mga naiulat na aberya dulot ng mga depektibong Vote Counting Machines (VCMs).