Dagdag na suporta ang nakuha nina Vice President Leni Robredo at Sen. Kiko Pangilinan kay Kapuso star Julie Anne San Jose.

Habang tinutugtog sa gitara, inawit ng tinaguriang Asia’s Limitless Star ang "Rosas," kilalang temang kanta para kampanya ni Robredo at Pangilinan

Sa halos isang minutong video, buong-pusong inawit ng Kapuso singer ang chorus ng Rosas na orihinal na sinulat ni Nica del Rosario at binigyang-buhay kasama ni Gab Pangilinan.

Mapapansin din ang ang tatlong emojis ng rosas na ginamit ni Julie Anne bilang lowkey na pag-endorso sa Leni-Kiko tandem.

Suportado naman ng maraming fans ang pasya ng singer na mababakas sa pasasalamat nito sa kanyang anila'y "pagtindig."

Maging ang kanyang rumored boyfriend na si Rayver Cruz ay makikitang nagkomento ng parehong emoji.

Nag-iwan din ng pink heart emojis ang bagong Kapuso na si Zephanie Dimaranan sa parehong video ni Julie.

Ang Kapuso singer ay isa lang sa maraming maningning na celebrities sa likod ng kandidatura ni Robredo.