Kahit hindi bahagi ng Tropang Angat nina Vice President Leni Robredo at Sen. Kiko Pangilinan, tahasang inendorso ni Megastar Sharon Cuneta ang labor lawyer at senatorial candidate na si Luke Espiritu.

Sa naganap na 'Miting De Avance' ng tandem sa Naga City nitong Biyernes, hayagang binanggit ni Sharon ang kanyang boto para kay Espiritu.

Matapos aniya panuorin ang senatorial debates at magsaliksik sa background nito bilang isang abogado ng manggagawa, kumpiyansa ang singer-actress sa kandidatura ni Espiritu.

“Atty. Luke Espiritu, you have my vote, sir!”

Tinanggap naman ng senatorial candidate ang aniya'y “mega endorsement” mula sa isang malaking pangalan sa Philippine showbiz industry.

“Kanina, inendorso ng batikang aktres at singer na si Sharon Cuneta si 26 Luke Espiritu para Senador. Aniya, bunsod ito ng kanyang pagsasaliksik sa ating plataporma at track record bilang lider-manggagawa at aktibistang nakikibaka para sa demokrasya,” mababasa sa Facebook post ng abogado.

“Lubos na nagpapasalamat ang Team Luke Espiritu sa pagsuporta ng nag-iisang Megastar sa ating kandidatura. Pandayin ang ating pagkakaisa sa ground laban sa mga sinungaling, mandarambong, at diktador.”

Si Espiritu ay bahagi ng Labor and Ecology Advocates for Democracy (LEAD) slate ng Partido Lakas Masa (PLM) nina Ka Leody De Guzman at running mate nitong si Walden Bello.

Basahin: Human rights at labor lawyers, green advocates kabilang sa senatorial slate ni Ka Leody – Balita – Tagalog Newspaper Tabloid