Tila nanghinayang si vice presidential candidate at Senador Kiko Pangilinan na hindi binanggit sa inilabas na opisyal na pahayag ng UP Diliman University Council ang pangalan ng mga kandidatong hindi karapat-dapat ihalal sa mga posisyong napupusuan nila.
Naihambing pa ito ng senador sa panahon niya bilang student leader sa UP noong dekada 80 at umuupo pa sa pulong ng Board of Regents. Hindi raw takot ang UP sa pagsisiwalat ng buong katotohanan.
"Bakit hindi pa binanggit ang pangalan ng mga tinutukoy nilang hindi karapat-dapat ihalal? Ang UP na kinagisnan ko noong student leader pa ako at umuupo sa Board of Regents noong dekada 80, hindi takot isiwalat ang buong katotohanan. History is a harsh judge. Sayang, UP Diliman," saad ni Sen. Kiko sa kaniyang latest tweet ngayong Mayo 5.
Inilabas ng UP Diliman University Council ang pahayag para sa darating na Pambansang Halalan nitong Mayo 4, 2022, na nasa wikang Ingles. Isinalin ito sa wikang Filipino ni Mykel Andrada.
"Piliin ang matapat, mahusay, at prinsipyadong mga pinuno ngayong 2022," panimula ng opisyal na pahayag.
"Tumitindig kami kasama ang aming mga guro, siyentista, artista, at mananaliksik na walang-pagod na ibinabahagi ang kanilang kaalaman at kadalubhasaan upang labanan ang koordinadong atake sa katotohanan. Nananawagan kami sa mga botanteng Pilipino na piliin ang mga pinunong nangangakong patatatagin ang estado ng edukasyon sa bansa…"
"Nananawagan kami sa mga botante na piliin ang mga kandidatong may integridad at malinis na rekord ng paglilingkod, at na huwag suportahan ang mga kandidatong may rekord ng katiwalian, pagsisinungaling, pang-aabuso sa karapatang-pantao, pag-iwas sa pagbabayad ng buwis, at pagnanakaw ng kaban ng bayan…"
"Sa darating na Mayo 9, 2022, itanghal natin ang giting at tapat ng ating saligang karapatan at kalayaan, at ihalal ang mga pinunong tunay, tuwid at tapat.
Ang UPD University Council ay nasa ilalim ng pamumuno ni Chancellor Fidel R. Nemenzo at binubuo ng mga propesor, kawaksing propesor, at katuwang na propesor.