Tiniyak ni Aksyon Demokratiko presidential bet at Manila Mayor Isko Moreno Domagoso na paiiralin niya ang open governance policy sa sandaling siya ang palaring maging susunod na pangulo ng bansa.

“Bukas na pamahalaan, bukas na financial records, at bukas ang lahat ng transaction. Walang itinatago, walang ikinukubli. At higit sa lahat, bukas ang isipan sa mga makabagong paraan. Bukas sa mga modernong idea,” paniniguro pa ni Domagoso nitong Huwebes, ilang araw bago ang halalan sa Mayo 9, Lunes.

Kasabay nito, inalala pa ni Domagoso na noong unang araw niya bilang alkalde ng Maynila, ay nagpalabas siya ng Executive Order No. 1 (Open Governance Policy) na nagbukas sa publiko ng lahat ng mga ipinagkaloob o inaprubahang transaksyon sa lungsod.

Ito ay ginawa aniya sa pamamagitan ng official media platforms ng bawatdepartamento, bureau o office sa loob ng pamahalaang lungsod.

National

Ikinakasang rally ng INC kontra impeachment kay VP Sara, pinaghahandaan na ng MMDA

Sa ilalim ng naturang kautusan, inoobliga ang lahat ng opisyal na ilathala sa loob ng 24 na oras ang pagbibigay o pag-aapruba ng kahit na anong transaksyon.

“Kabilang dito ang lahat ng executive orders, ordinances, bidding activities, contract signings at mga inaprubahang proyekto at aktibidad ng lungsod na dapat laging naka-Facebook live,” dagdag ni Domagoso.

Samantala, siniguro rin ni Domagoso na sa ilalim ng kanyang liderato ang lahat ng ito ay magaganap sa lalong madaling panahon tulad na lamang ng nangyari sa Maynila.

“I get things done kasi focused ako. Lahat ng problema sa buhay ko, hindi ko sinukuan. Bilang basurero, bilang sidecar boy, bilang artista, bilang public servant na hindi nakapag-aral. Lahat 'yun pinunan ko, nilagpasan ko, natawiran ko kaya itatawid namin kayo," sabi ng alkalde.