Labis ang pasasalamat nina Manila Vice Mayor Honey Lacuna at Rep. Yul Servo sa ginawang pag-endorso sa kanila ng Iglesia ni Cristo (INC) na kilalang nagpapatupad ng bloc voting sa kanilang hanay.
“Maraming salamat po kapatid na Eduardo V. Manalo at sa buong kapatiran ng Iglesia ni Cristo sa Distrito ng Lungsod ng Maynila. Ang inyo pong pagtitiwala at pagsuporta ay buong kababaang-loob ko pong pinahahalagahan at pinasasalamatan,” ani Lacuna, na tumatakbo sa pagka-alkalde ng Maynila, nitong Huwebes.
“Nawa ay patuloy po ninyo akong ipagdasal upang tayo ay patnubayan ng Poong Maykapal sa pagsasakatuparan ng ating dakilang misyon na maghatid ng maayos, masinop, tapat at epektibong serbisyo publiko para sa mga minamahal nating kapwa-Manilenyo,” dagdag pa niya.
Sa panig naman ni Servo, labis din ang kanyang pasasalamat sa endorsement ng INC.
“Malugod po akong nagpapasalamat kay kapatid na Eduardo V. Manalo at sa buong kapatiran ng Iglesia ni Cristo sa inyong tiwala at suporta na ipinagkaloob sa akin.Makasisiguro po kayo na ang pagkakataong makapagserbisyo ng walang katulad ay magpapatuloy.Kasama ng inyong panalangin sa aking tatdahaking bagong yugto, makakaasa po kayo na ang paglilingkod anumang panahon ay maabot sa bawat Manilenyo at buong Maynila. Muli, maraming salamat po,” aniya.
Matatandaang si Lacuna ay tumatakbo sa pagka-alkalde ng Maynila sa ilalim ng lokal na partidong Asenso Manileño at sakaling palarin, siya ang magiging kauna-unahang babaeng mayor ng lungsod habang si Servo naman ay tumatakbo bilang bise-alkalde ni Lacuna sa parehong partido.
Bukod sa pagiging Vice Mayor, si Lacuna ay Presiding Officer ng Manila City Council na may 38 miyembrong konsehal.
Pinamumunuan din niya ang health cluster ng lungsod ng Maynila bilang isang doktora, kung saan nasa ilalim ng kanyang pangangasiwa ang anim na ospital ng lungsod, gayundin ang mga health centers at maging ang nagaganap na mass vaccination.
Samantala, si Servo naman ay deputy majority leader ng House of Representatives kung saan siya ay nakaupo bilang Congressman na kumakatawan sa ikatlong distrito ng Maynila.