Mahigit sa apat na milyong out-of-school youths and adults (OSYAs) ang nakapag-enroll sa Alternative Learning System (ALS) program ng Department of Education (DepEd) sa ilalim ng pamumuno ni Secretary Leonor Briones.
Sa isang kalatas nitong Huwebes, nagpahayag naman ng katuwaan si Briones dahil sa mataas na enrollment rate ng ALS.
“We are happy that the enrollment rate of the Alternative Learning system has gone up through the years. The ALS is an important legacy of the Duterte Administration. This is the first program that President Rodrigo Roa Duterte gave his full support and special attention to,” ayon kay Briones.
“The numbers have shown that the Department has been putting concerted effort to reach out OSYAs nationwide and give them a chance to have a diploma in all basic education levels,” dagdag niya.
Batay naman sa ulat ni Assistant Secretary for Alternative Learning System G.H. Ambat, mas mataas ng 80.32% ang bilang ng enrollment sa kasalukuyang administrasyon kaysa sa nakaraang dalawang administrasyon sa taunang average.
Anang DepEd, nasa 288 pampublikong paaralan at dalawang pampribadong paaralan mula sa 10 rehiyon ang nagpapatupad na ng ALS-Senior High School program upang makapagbigay ng mas maraming oportunidad sa OSYAs upang maiangat ang kanilang professional careers sa kalaunan.
Nabatid na noong 2019, inilunsad ng DepEd Region V ang pilot implementation ng ALS-SHS program sa apat na eskuwelahan.
Matapos naman ang dalawang taon ay nakapagtapos ang 62 mag-aaral sa kani-kanilang mga kurso at nakuha ang kanilang diploma.
Binanggit din na sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa UNESCO Jakarta at Korea International Cooperation Agency (KOICA) Philippines, binuo at inilunsad ng bansa ang bagong K-to-12 aligned learning modules.
Tutugunan anila ng nasabing proyekto ang pangangailangan upang buuin ang 21st-century skills sa learners at punan ang puwang sa updated learning resources para sa mga mag-aaral ng ALS sa mga susunod na taon.
Binigyang-diin din ng DepEd ang paghusay ng mga nakapasa para sa Presentation Portfolio Assessment (PPA) kung saan mayroong 71.42% ng mga kwalipikado mula Taong Panuruan 2019-2020 ay nakapasa sa nasabing assessment habang ang 87.55% ay nakapasa sa Taong Panuruan 2020-2021 para sa Elementary Level.
Sa kabilang banda, 83.56% ng mga kwalipikado mula sa Taong Panuruan 2019-2022 ay nagtagumpay sa PPA, habang ang 93.51% ng mga kwalipikado mula Taong Panuruan 2020-2021 ay nakatanggap ng kanilang certificate sa Junior High School Level.
Noong Disyembre 23, 2020, pinirmahan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang Republic Act No. 11510 na nagpapatibay sa ALS program at bumuo ng Bureau of Alternative Learning System (BALS) na magtitiyak na walang mag-aaral ang maiiwan sa pamamagitan ng pagbibigay ngparallel learning system para sa non-formal education.