Niladlad na rin ni dating Sexbomb leader at Kapuso actress Rochelle Pangilinan ang kanyang manok sa pagkapangulo sa darating na halalan sa Mayo 9.

Sa isang Instagram post, Miyerkules, inilatag ni Rochelle ang kanyang naging pamantayan para sa susunod na mamumuno ng bansa sa susunod na anim na taon.

“Ako ay isang ina. Pangunahin sa isip ko ang kinabukasan ng aking pamilya, lalo na ang anak ko,” mababasa sa kanyang post.

Matapos aniyang magsaliksik, makinig, magbasa at magdasal para sa gabay ng kanyang pagpili, si Vice President Leni Robredo ang sa huli’y naging pasya ng aktres para sa kanyang boto.

“Bakit siya ang napagdesisyunan kong iboto ? Siya ay Maka-Diyos. Hindi sinungaling. Hindi magnanakaw,” ani Rochelle.

Dagdag niya, “Palagi siyang may ginagawa. Hindi sya puro salita.”

“Hindi sya nagsalita ng masakit laban sa kapwa kahit masasakit na salita ang natatanggap n’ya,” pagpapatuloy ni Rochelle.

Naging kampante rin ang aktres dahil kagaya niya, isang ina si Robredo na mahalaga ang turing sa pamilya at anak.

Si Rochelle ay dagdag sa maraming celebrities na hayagang tumaya sa kandidatura ni Robredo.