Na-bash daw ang aktres at tumatakbong konsehal ng 5th district ng Quezon City na si Aiko Melendez matapos makita ng mga netizen ang ibinahagi niyang litrato ng pangangampanya ng kaniyang anak na si Andre Yllana sa mga bahay-bahay, sa kaniyang Instagram post noong Mayo 2, 2022, kung saan ibinida niya ang pagtulong sa kaniya ng mga anak na sina Andre Yllana at Martina Jickain.

Makikita kasi sa isa sa mga litrato na habang kayakap ng anak niyang si Andre Yllana ang isang ginang, may nakasabit na poster ng Leni-Kiko tandem sa isang pulang gate; inakala ng mga netizen na sina presidential candidate at Vice President Leni Robredo at vice presidential candidate at Senador Kiko Pangilinan ang kaniyang ineendorso gayong inihayag na niya ang pagsuporta kina dating senador Bongbong Marcos at Davao City Mayor Sara Duterte.

"Ok I'm being bashed because of this picture of my son @andreyllana. Bakit daw ako naging Leni-Kiko eh BBM ako. Heto po ang simpleng explanation. Nangangampanya po mga anak ko kanina and me gate doon ng supporter namin na maka Leni- Kiko di ko kailanman ang naging ugali na saklawan ang utak at isip ng aking mga supporters," paliwanag ni Aiko.

Kahit sa pamilya umano nila, hindi ugali ni Aiko na pakialaman ang political stand ng kaniyang mga kaanak o kaibigan. Matatandaang kahit na magkaibigan sila ng showbiz columnist na si Ogie Diaz, iginagalang pa rin nila ang isa't isa. Isang certified Kakampink kasi si Ogie.

"Kahit sa kapamilya ko, kapatid ko maka-Leni, ako maka-BBM, never kami nag-away para sa sino man ang nais namin suportahan. Hindi po ako lumipat ng susuportahan ko. Dahil me paninindigan po ako. At kung ano man po ang kakalabasan ng elections, rerespetuhin namin po 'yan."

Bagama't hindi pa nakikilala o nakakaharap sina BBM-Sara, buo ang suporta ni Aiko sa standard bearers ng UniTeam.

"Pero wag nyo po ako pigilan ng nais ko suportahan. Nacionalista Party po ako sa totoo lang po di ko pa nakikilala sila Senator Bongbong Marcos at Inday Sara, pero 'yun ang paninindigan ko nasa kanila ang aking paniniwala. Lawakan po natin ang isip natin."

"I am for @bongbongmarcos @indaysaraduterte all the way," pahayag ni Aiko.

Si Andre ay anak nina Aiko at dating karelasyong si Jomari Yllana habang si Marthena naman ay anak nila ng ex-husband na si Martin Jickain.