Usap-usapan ngayon sa social media ang pagganap ni Comedy Queen Ai Ai Delas Alas bilang 'Hon. Ligaya Delmonte' sa parody campaign video na ginawa ng VinCentiments upang ikampanya si Mike Defensor, kandidato sa pagka-mayor ng Quezon City.

Sa video na naka-post sa opisyal na Facebook page ng VinCentiments noong Biyernes, Abril 29, makikita si Ai Ai na nakaupo sa isang silya; sa likod nito ay may simbolo na nakalagay na BBM-Sara, at tila nagsasagawa siya ng Facebook Live para sa kaniyang constituents.

"Magandang BUWAN sa inyong lahat! Sa lahat ng mga REKLAMADOR sa KYUSI… BABALA! Asawa ni Babalu. May mahalaga po akong announcement kaya pakinggan n'yo! Kung ayaw n'yo, LUMAYAS KAYO SA KYUSI! WALA AKONG PAKE."

"Tulad ni TAGURO, nais ko sanang ibigay ang 100% ng aking lakas upang talunin si MIKE! MIKE DEFENSOR! Ngunit may kakaibang lakas at kapangyarihan ang bumabalot sa kaniya! Malamang ay galing ito kay BBM! BONG-BONG MIKE!"

"Kahit ilang beses ko nang sinubukang pigilan ang mga rally nila, ay nakagawa pa rin sila ng paraan! At tunay naman SILA ang isinisigaw ng bayan. Sigaw ng malayang KYUSI! BBM! Bong-bong Mike! Damang-dama ng bayan. Alam ng mamamayan. Kaya hindi na ako mag-aaksayang makipagplastikan."

"Ngayon ay ineendorso ko si Mike Defensor bilang bagong MAYOR ng KYUSI. Ayoko na! Ayawan na! Tigilan na natin 'to! Mahal ni BBM, mahal ng KYUSI. Hindi naninisi, at hindi kayo magsisisi. Hindi kayo paBABAyaan. Kaya pabayaan n'yo na 'ko! Ayoko na! Ayawan na! Tigilan na natin ito! Ayoko na! Ayawan na! Ayoko na talaga! (Paulit-ulit)."

"Nakakasawang maging OPRESOR doon na kayo sa DEFENSOR."

"Mayora Ligaya Delmonte… NOW SIGNING OFF."

Ang mahigpit na katunggali ni Defensor sa pagka-mayor ng QC ay ang kasalukuyang mayor na si Joy Belmonte. Si Defensor ay kaalyado ng UniTeam.