Ipinagtanggol ng UniTeam supporter at direktor ng VinCentiments na si Darryl Yap ang ineendorsong senatorial candidate na si Jinggoy Estrada, kaugnay ng kumakalat na screengrabs ng group chat o GC at personal chats sa Viber.
"Senator Jinggoy Estrada is now the Target," panimula ng direktor ng 'Kape Chronicles', 'The Exorcism of Lenlen Rose', 'Baby M', at 'Mosang series', sa kaniyang Facebook post ngayong Mayo 2.
Bukod kina BBM-Sara, hayagan din ang pagsuporta ni Darryl kay Jinggoy na tinatawag pa niyang 'Jinggoy Cutie'.
"Sa lahat po ng mararating ng post na ito, ilang araw bago magkampanya—ang senador na sinusuportahan ng inyong lingkod at ng aking pahina ay malubha nilang pinupuntirya upang tuluyang may makalusot mula sa kanilang hanay."
"Siguro dahil napunlaan na nila ito ng bahid ng anomalya mula sa kasong ang pinagmulan ay sila rin namang mga dilawan; INIISIP NILANG MAS MADALI SIYA TIBAGIN o HILAHIN UPANG MAKAPASOK SA TOP 12 ang isa sa kanilang mga Senador."
"Huwag po natin itong payagan."
"Ako na po ang nagsasabi."
Aniya, kung sakali mang manalo umano ang BBM-Sara, kailangan daw ng kagaya ni Jinggoy sa senado.
"Kailangan ni Bongbong Marcos at Mayor Inday Sara Duterte ng matapang na kakampi sa senado. MAY KARANASAN AT TUNAY NA MAGTATRABAHO; yung hindi nila kayang sindakin at padapain."
"Huwag po tayong papadala sa mga screenshots kuno, mga inedit na replies at posts."
"Huwag tayong pumayag na pahirapan nilang muli ang mauupong Presidente at Bise gaya ng ginawa nila kay PRRD."
Ang tinutukoy ni Yap na screenshots ay ang naging mainit na sagutan umano nina Estrada at ng batchmate nitong si Jose Prats, na siya namang nag-trending online.
“Dear classmates/batchmates, I am once more seeking your valuable support in this upcoming elections as I am again gunning for a Senate seat. As you well know, I became your senator from 2004-2016 and unfortunately lost in the last elections because of the issues hounding me,” ani Estrada.
Iginiit pa nito ang magandang standing sa mga survey firms maliban sa Pulse Asia na pang-11 lamang siya. Kaya, aniya, humihingi siya ng tulong para ikampanya pa siya.
“Having said that, once elected in the Senate, rest assured that I will enact bills that will benefit the greater majority of our people. Thank you so much and I hope to solicit your valuable votes on May 9. OBF!!!”, dagdag pa nito.
Agad rin namang umalma si Prats na matapang na sinabing hindi nito iboboto si Estrada at hindi siya naniniwala sa mga “huwad na pangako” nito.
“Since you sent a message to our batchmates then let me be the first (and maybe the only one) to declare that I will NOT vote for you. I do not believe in your promises nor the false promises being given by your party of jr-sira. And that is an understatement,” reply ni Prats sa message ni Estrada.
Bilang pagpapahalaga sa asal ng isang Katoliko at Kristyano, sinabi ni Prats na ipagpapatuloy niya ang pangangampanya para kay Vice President Leni Robredo, Senator Francis Pangilinan, at sa senatorial slate nito.
“Game over Mr. Prats! Magandang araw sa iyo! Pagpalain ka ng Diyos!” tugon ni Estrada.
Ngunit salungat sa mensaheng iniwan ni Estrada sa kanilang group chat, personal na inatake umano ni Estrada sa direct message si Prats.
“Bastos ka pala hayop ka! Yan pala ang itinuro sa iyo ng Ateneo! Shame on you! Sana ginulpi na kita nung HS pa tayo eh. Ano na tisoy? Wag kang bastos G*go!” ani Estrada sa personal message nito kay Prats.
Ipinagtanggol naman ni Prats ang Ateneo at sinabing bago nito atakihin ang unibersidad ay tignan muna nito ang inaasal nito.
Aniya, “Jinggoy, I will not stoop down to your level. And before you tell me about Ateneo education and its values I would suggest you look at yourself in the mirror to determine if you truly embody the Ateneo value and its thrust for being Man For Others.”
Dagdag pa ni Prats, tanging integridad lamang ang meron siya hindi tulad ni Estrada na may pera at “armado.” Hindi na rin nagulat si Prats na parte si Estrada ng senatorial slate ng UniTeam.
“If you don’t believe in the freedom of expression as provided for by the Constitution then I am not surprised why you are part of the jr-sira team. I suggest to drop this as it more and more shows the type of person you are,” ani Prats.
“Really? Lick my ass! Duwag! Stooping down to my level? Baka Bgy Capt di ka manalo. Hing nga kita ka-level eh. I shouldn’t be stooping down to your level,” reply ni Estrada kay Prats.
Ang sagutan umano ng dalawa ay umani ng iba’t ibang reaksyon mula sa netizens. May mga nagtangkang magmensahe sa numero umano ni Jinggoy subalit napalitan na raw ang pangalan nito na 'Elmer Mercado'.
Samantala, wala pang tugon, reaksyon, o pahayag si Estrada tungkol sa isyung ito.