Todo-depensa si Iwa Moto hinggil sa reaksyon niya kay Jodi Sta. Maria sa isyu ng pagiging Kakampink nito sa halip na suportahan ang dating biyenan na si presidential aspirant at Senador Panfilo 'Ping' Lacson.
Matatandaang sinagot ni Iwa ang tanong ng isang netizen sa kaniya, kung ano ang naramdaman niya nang suportahan ni Jodi ang Leni-Kiko tandem.
Basahin: https://balita.net.ph/2022/04/27/iwa-moto-nag-react-sa-pagsuporta-ni-jodi-sta-maria-sa-leni-kiko-at-hindi-kay-ping/">https://balita.net.ph/2022/04/27/iwa-moto-nag-react-sa-pagsuporta-ni-jodi-sta-maria-sa-leni-kiko-at-hindi-kay-ping/
Ayon sa tugon ni Iwa, hindi na raw siya nasorpresa dahil napag-usapan na raw nila ito ni Jodi dati. Nang mga panahong iyon ay undecided pa raw si Jodi, pero kung anoman ang desisyon nito, igagalang naman daw niya.
"Kahit naman iba iboto niya, di naman mababago na pamilya kami. At mahal namin at nirerespeto ang isa't isa. Siyempre may sarili kaming utak at iba-iba kami ng opinyon," saad ni Iwa sa kaniyang IG story.
Sana nga lang daw, hindi na siya nag-aanounce.
"Syempre, father-in-law namin yung kalaban na candidate, hahaha," sey pa ni Iwa.
Buo naman ang suporta ni Iwa sa Lacson-Sotto tandem, bagay na makikita naman sa kaniyang social media posts.
"The most qualified candidate! So proud of you daddy. Namiss kita. Love you dad @iampinglacson," caption ni Iwa sa kaniyang IG post noong Abril 22, 2022.
Samantala, may ilang mga netizen naman ang kinuwestyon si Iwa kung bakit kailangan pa niyang sabihin ang mga ito patungkol kay Jodi.
"Eh ano naman kaya kung i-announce ni Jodi… past is past… pakialamerang palaka," saad ng isang basher.
Hindi naman nagpatumpik-tumpik si Iwa at agad na sumagot dito.
"Anong tawag mo sa ginagawa mong pag-comment? I'm sure hindi ako palaka. What about you?" sey ni Iwa.
Isa pang basher ang nagsabing dapat ay ilagay niya sa lugar ang pangingialam niya.
"Wala naman pake si Jodi kung support mo si Ping so dapat keribels ka lang din kung support ni Jodi. Ilagay mo sa tama yung pake mo. #respectbegetsrespect."
Tugon ni Iwa, "Nabasa mo ba post ko? I said I respect her decision… eh ikaw nirerespeto mo ba yung post ko? Nag-post ako not to disrespect anyone. Someone asked me a question. I answered it. Straight to the point and most importantly HONESTLY!!! Di ba puwedeng magsabi ng nararamdaman? Kaya nga I hoped eh," saad ni Iwa.
Si Iwa Moto ang partner ng estranged husband ni Jodi na si Panfilo 'Pampi' Lacson, Jr. na anak ni Senator Ping. Ikinasal si Jodi sa anak ni Senator Ping noong 2005 sa Las Vegas. Naghiwalay sila noong Marso 2011 matapos mag-file ng "petition for the declaration of nullity of marriage" sa Regional Trial Court sa grounds na psychological incapacity, subalit ibinasura ito ng Court of Appeals noong 2016. Sila ay nagkaroon ng anak na pinangalanang Panfilo 'Thirdy' Lacson III.
Naging magkarelasyon sina Pampi at Iwa noong 2012, at naging maayos naman ang ugnayan nina Jodi at Iwa.