Isang certified Kakampink si 'Georgia Ferrer' o ang sikat na karakter na ginampanan ni Ryza Cenon, sa patok na afternoon drama ng GMA Network na 'Ika-6 na Utos' kasama ang dating Kapusong si Sunshine Dizon, at leading man na si Gabby Concepcion.

"Ako si Georgia Ferrer isa akong Kakampink! 💗🌸😆 #LetLeniLead #IpanaloNa10To #LabanLeniLaban #KikoAngManokKo," saad ni Ryza sa kaniyang social media post ngayong Abril 29 ng gabi. Kalakip nito ang litrato ng sumikat na eksena sa serye na may hawak siyang toy gun, nakatutok sa bidang si Emma, na ginampanan ni Sunshine.

Umani naman ito ng iba't ibang reaksyon at komento mula sa mga netizen.

"Susuwayin ang ika-6 na utos ng Dios pero hindi susuporta sa gumagawa ng ika-7!"

"Ilang taon akong gigil sa'yo dahil sa ginawa mo Kay Emma, pero Ngayon napatawad na Kita at ipaglalaban natin ang tamang pamamahala #GobyernongTapat #AngatBuhayLahat!"

"Palaban talaga si Georgia!"

"Eh 'di kabet ka? Nagnakaw ka rin naman ng asawa!"

"Nice. May magandang puso ka pala kahit papano, Georgia."

"Para sa prangkisa ba 'yan? Nagsisisi ka bang lumipat ka? Maganda na status mo sa Kapuso eh. Tsk, tsk."

Isa lamang si Ryza sa maraming mga celebrity na nagpahayag ng pagsuporta sa Leni-Kiko tandem.

Samantala, ang ika-6 na utos batay sa 10 utos ng Diyos ay "Huwag kang makiapid" at ang ika-7 naman ay "Huwag kang magnakaw".

Matapos ang hiatus dulot ng kaniyang panganganak ay balik-akting na si Ryza para sa horror movie na 'Rooftop' kasama sina Marco Gumabao, Rhen Escaño, Marco Gallo, Andrew Muhlach, Epy Quizon, at Ella Cruz, sa direksyon ni Yam Laranas.