Muling binalikan ng netizens ang kakila-kilabot na istorya ni Captain Ting Addie Nagli, isang survivor mula sa karumal-dumal na 'Manili Massacre' sa Carmen, North Cotabato.

Malabo man ang alaala ngunit hindi niya malilimutan ang nangyari noong Hunyo 19, 1971, na kasama niya ang kanyang magulang sa loob ng isang mosque.

Ang mga Muslim na residente ng bayan ay nagtipun-tipon sa kanilang mosque upang lumahok sa isang diumano'y usapang pangkapayapaan sa mga grupong Kristiyano nang pinaputukan sila ng isang grupo ng mga armadong lalaki na nakasuot ng uniporme na katulad ng suot ng mga miyembro ng Philippine Constabulary.

Ayon sa ekslusibong panayam ng "MindaNews," ibinahagi ni Nagli ang piraso ng kanyang ala-ala bago at nang mangyari ang pambobomba sa kanila habang nasa loob ng mosque.

Kahayupan (Pets)

Libreng kapon sa mga pusang 'Maris' at 'Anthony' ang pangalan, handog ng isang veterinarian

Aniya, may mabuting kalooban ang kanyang ama at isa ito sa mga tumulong sa pagtayo ng mosque na gawa sa purong hardwood, na kung tatanyahin ay lalagpas na sa P3 milyon ang halaga ngayon.

"Nakatabang siya sa pagpatukod sa mosque. Tingali mobalor to karon ug P2-3 million kay puros man to hardwood. Dako pud ang among balay pero gisunog pud sa armado. Daghan balay dagko diri sa una (Malaki ang naitulong ni papa sa pagpapagawa ng mosque na sa tingin ko ay nagkakahalaga ng P2-3 milyon ngayon dahil puro hardwood ang gawa nito. Malaki ang bahay namin pero sinunog ng mga armadong lalaki. Maraming malalaking bahay dito noon)," ani Nagli.

Hindi na naging malinaw ang alaala ni Nagli sa mga sumunod na pangyayari at tanging natatandaan na lamang nito ay nagligtas sa kanya — ang init ng dugo at yapos ng kanyang ina.

"Ang ako lang mahinumduman init kaayo ang dugo (Ang natatandaan ko lang ay ang init ng dugo)," ani Nagli.

Dagdag pa niya, dahil natatambakan na siya ng mga bangkay at noon ay maliit pa lamang ang kanyang katawan, hindi napansin ng mga armadong lalaki na siya ay buhay pa.

Ayon sa isang pag-aaral, "The Liberation Movements in Mindanao: Root Causes and Prospects for Peace," isang disertasyon ni Marjanie Salic Macasalong, ang progovernment militias ang nasa likod ng 21 kaso ng masaker mula 1970 hanggang 1971, kung saan 518 katao ang namatay, 184 ang nasugatan at 243 na bahay ang nasunog, kasama rito ang kaso ng Manili Massacre, na kung saan ay 70-75 Maguindanaons, kabilang ang mga babae at bata ang pinatay.

Nakaraang taon, Hunyo 19, 2021, ginunita nila Nagli, kasama ang kanilang kasamahan at dalawang kapwa survivor na sina Hadiguia Langalen at Sammy Gumaga, ang Golden Anniversary ng Manili Massacre.

Samantala, kamakailan lamang, muling nagsama-sama ang mga survivor ng Manili Massacre upang magbalik-tanaw sa kanilang karanasan.

Sa uploaded video ng Brigada News FM Cotabato City, ibinahagi ni Gumaga ang traumatic niyang karanasan noon nang pagbabarilin sila noon sa mosque. Aniya, tinipon sila noon dahil may magaganap na pagpupulong ngunit laking gulat nito nang bombahin sila.— Karen Joy Sapico