Isang deklarasyon ang ginawa ni Miss Universe Philippines 2021 Beatrice Gomez sa isang Facebook post ngayong gabi ng Sabado, Abril 23.

“I'm choosing Leni Robredo and Kiko Pangilinan as the next leaders of our country,” mababasa sa isang Facebook post ni Bea.

Kasabay nito, ngayong araw ng Sabado, ikinagulat ng maraming pageant fans ang paglabas ng beauty queen sa grand rally ni Robredo sa Macapagal Boulevard sa Pasay City kasabay ng pagdiriwang ng ika-57 kaarawan ng presidential bet.

Kasama si Miss International Kylie Verzosa na nauna nang nagpahayag ng suporta kay Robredo, at ang tandem nina Mama Loi at Ogie Diaz, nagsilbing host si Bea para ipakilala ang ilang nakiisang eskwelahan, overseas Filipino workers (OFWs), at ilan pang organisasyon sa bansa na naglunsad ng host party sa pamamagitan ng Zoom sa naganap na birthday sortie.

Si Bea ay umabot sa Final 5 ng Miss Universe 2021 na naganap sa Universe Dome, Port of Eilat in Eilat, South District, Israel noong Disyembre.