Nasagip ng pulisya ang 25 na babae, kabilang ang apat na menor-de-edad sa ikinasang pagsalakay sa isang pinaghihinalaang prostitution den sa Parañaque na ikinaaresto ng tatlong Chinese at tatlong Pinoy nitong Huwebes Santo.

Ang mga suspek ay kinilala ni Southern Police District (SPD) chief, Brig. Gen. Jimili Macaraeg na sina Zhang Chao De, 22; Li Lin Chuan, 38; Li Reng Rin, 32; Lily Morer De Jose, 29; Abegail Macahidhid, 22; at Ma. Liza Miguel, 22.   

Sa police report, inaresto ang mga suspek nang lusubin ng mga awtoridad ang kanilang lugar sa No. 412 7th Floor, Unit 708, 709, 710, Bayport West, Tower 5, Barangay Tambo dakong ala-1:00 ng madaling araw ng Huwebes.

Nag-ugat ang operasyon nang magsumbong ang isang babaeng nakatakas sa lugar na prente umano ng prostitusyon.

Metro

Mayor Lacuna: Payout sa 203K seniors, malapit nang matapos

Nang salakayin ang lugar, nadatnan pa ng mga awtoridad si Reng Rin na naaktuhang gumagawa ng kahalayan habang naka-live feed sa harapan ng kanyang cellphone.

Nasamsam ng pulisya ang 10 sex toys, 11 sex vibrators, 80 soft gel sex enhancer capsules, 20 tabletas ng sex enhancer, dalawang iPhone, isang metallic gray MacBook, isang TP link wireless router, tatlong ring light na may tripod, limang iba pang cellphone at iba pang personal na gamit.

Inihahanda na ang kaukulang kaso laban sa anim na suspek.