Inanunsyo ng Manila Electric Co. (Meralco) nitong Lunes na muli silang magtataas ng singil sa kuryente ngayong buwan ng Abril.

Ito na ang ikalawang buwan na magpapatupad ang Meralco ng taas-singil sa singil sa kuryente.

Ayon sa Meralco, ang overall rate para sa typical household ay tumaas ng 53.63 sentimo o naging P10.1830 kada kilowatt-hour (kWh) mula sa dating P9.6467/kWh lamang noong Marso.

Bunsod nang naturang pagtataas ng singil, ang mga residential customers na kumukonsumo ng 200 kWh kada buwan ay inaasahang madaragdagan ng bayarin na P107 para ngayong buwan; P161 para sa mga kumukonsumo ng 300 kWh; P215 para sa mga nakakagamit ng 400 kWh at P268 para sa mga nakakagamit ng 500 kWh.

National

Ilocos Norte, niyanig ng magnitude 4.3 na lindol

Anang Meralco, ang taas-singil ay bunsod ng mas mataas na generation charges na sumirit ng 39.87 sentimo at naging P5.8724/kWh mula sa dating P5.4737/kWh lamang noong nakaraang buwan, bunsod na rin ng upward movement ng singil mula sa Independent Power Producers (IPP) at ng Wholesale Electricity Spot Market (WESM).

Sa isang pahayag, sinabi naman ni Meralco head of Regulatory Management Office Atty. Jose Ronald Valles na mas malaki pa sana ang itataas ng kanilang singil, kung hindi naipagpaliban ang koleksiyon ng P945 milyong generation charges.

“This month’s generation charge increase would have been significantly higher, but Meralco coordinated with the Energy Regulatory Commission (ERC) and some of its supplier to again defer collection of portions of their generation costs to cushion the impact on the customers’ bills,” ani Valles.

Inatasan rin aniya ang kumpanya ng ERC na ipagpaliban ang koleksiyon ng P300 million generation costs, na nagre-reflect ng mas mababang generation rate ng 11 sentimo kada kWh.

“On top of the deferred generation charges, the impact of the quarterly repricing of the Malampaya natural gas for the April supply will be reflected in the generation charge in May,” dagdag pa ni Valles.

Asahan na rin aniya na mas tataas pa ang bayarin sa mga susunod na buwan dahil lumalaki ang konsumo ng kuryente sa panahon ng tag-init.

“Electricity consumption historically increases during the dry months, and this is expected to also weigh on the customers’ power bills,” paliwanag pa niya.

Una nang sinabi ng Meralco na inaasahan na ang mas mataas na monthly bill sa Mayo, kung saan magre-reflect ang sunud-sunod na pagtaas ng mga presyo ng produktong petrolyo sa generation charges at sa Malampaya repricing.