Tatlong katao, na kinabibilangan ng isang ginang, kanyang anak at pamangkin, ang natagpuang patay sa loob ng kanilang tahanan sa Cainta, Rizal nitong Miyerkules.

Ang mga biktima ay kinilalang sina Angelica Antonio Manaloto, 24, kanyang anak na si Nica Manaloto Mangi, 4, at pamangkin na si Renz Orly Manaloto Trinidad, 7, pawang residente ng 4753 Rizal St., San Francisco, Brgy. San Juan, Cainta.

Ang bangkay ng mga biktima ay nadiskubre mismo ng kapatid ni Manaloto na si Erickson Antonio Manaloto, 26, residente ng DM6 Karlangan, San Andres, Cainta.

Batay sa ulat ng Cainta Municipal Police Station, dakong alas-7:05 ng umaga nang madiskubre ang bangkay ng mga biktima sa loob ng kanilang tahanan.

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

Nauna rito, dumating umano sa lugar si Erickson ngunit sarado ang bahay kaya’t kumatok siya at tinatawag ang kapatid at mga pamangkin ngunit hindi sumasagot ang mga ito kahit pa bukas naman anila ang pintuan ng silid ng bahay.

Nang buksan umano ng kapitbahay ang main gate at alamin kung bakit hindi sumasagot ang mga biktima ay dito na nila nadiskubre ang bangkay ng mga ito.

Hindi pa naman malinaw kung paano pinatay ang mga biktima.

Masusi nang iniimbestigahan ng mga otoridad ang krimen upang matukoy kung sino ang mga taong nasa likod nito, gayundin ang motibo sa pagpatay.

Samantala, labis naman ang pagluluksa ng pamilya ng mga biktima dahil sa nangyari.

Sa kanilang Facebook post, na kalakip ang larawan ng mga biktima, hustisya ang apela ng mga kaanak, partikular na ang ina ni Manaloto.

Umaasa rin ang pamilya na mahuhuli kaagad ang mga salarin upang mapanagot sa krimen.