Pansamantalang naantala ang operasyon ng Light Rail Transit Line 1 (LRT-1) nitong Lunes matapos na magkaaberya at tumirik ang isa sa mga tren nito.

Ayon sa Light Rail Manila Corporation (LRMC), na siyang nangangasiwa sa operasyon ng LRT-1, dakong alas-7:17 ng umaga nang magpatupad sila ng 25 kilometer per hour (kph) na speed restriction mula Baclaran Station sa Parañaque City hanggang Balintawak, Quezon City matapos na tumirik ang isa sa mga tren nito.

Kaagad naman umanong nagpadala ng mga technician ang LRMC upang ayusin ang naging problema ng naturang nagkaaberyang tren sa Tayuman Station sa Maynila.

“A 25 kph speed restriction has been put in place from Baclaran to Balintawak. Technician is already on board working the fault of the affected LRV. Please allow additional travel time of about 8 minutes,” paabiso pa ng LRMC sa kanilang Twitter account.

National

Kitty Duterte, ibinahagi latest na mensahe ni FPRRD sa kanilang pamilya

Pagsapit naman ng alas-7:25 ng umaga, sinabi ng LRMC na nagpatupad na ang LRT-1 ng ‘stop for safety’ mula Baclaran hanggang Balintawak.

“A stop for safety has been put in place from Baclaran to Balintawak. Technician is already on board working the fault of affected train located at Tayuman Station. Please allow additional travel time of about 15 minutes,” dagdag pa nito.

Kaagad rin namang naayos ang problema at pagsapit ng alas-7:34 ng umaga ay nagbalik na sa normal ang operasyon ng mga tren.

“As of 7:34 AM, April 04,2022 - We are Green and Go on all 19 stations of LRT-1. Ingat po sa biyahe!,” anang LRMC.