Magbibigay ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ng legal assistance sa isang traffic enforcer ng ahensya na sinuntok ng isang motorista na kanyang hinuli dahil sa paglabag sa batas trapiko sa Pasig City, nitong Abril 1.
Ang enforcer ay kinilalang si Muslimin Hapi, na pinara nito ang suspek na si Jeric Baylen, sa Meralco Avenue, Kapitolyo, Pasig City, dakong 7:00 ng gabi nitong Biyernes.
Sa kanyang sinumpaang salaysay sa Pasig City Police Station, sinabi ni Hapi na inisyuhan niya ng ticket para sa sa reckless driving laban kay Baylen subalit nagkasagutan ang dalawa.
Ayon sa biktima sinuntok siya sa mukha ni Baylen na nagresulta ng pagkakasugat ni Hapi. Agad dinala ng enforcer ang naturang suspek sa himpilan ng pulisya at kinasuhan niya ng direct assault.
Inihayag naman ni MMDA Chairman Romando Artes na ang ahensya ay pagkakalooban si Hapi ng lahat ng legal assistance, at binigyang-diin nito na ginagawa lamang ng MMDA field personnel ang kanilang mga tungkulin.
Umapela si Artes sa mga motorista na magpatupad ng kontrol at katahimikan lalo na kapag nahuli.
"The MMDA doesn't condone road rage regardless if it is from our ranks or the motoring public. We want to remind the motorists, especially those who were apprehended, that they have the right to file a protest to contest their violation through our Traffic Adjudication Board. All the complaints will be accorded due process," ani Artes.
Ang suspek ay kasalukuyang nakadetine sa Pasig City Police Substation 1.