Pinagtibay ng Korte Suprema ang pagsasampa ng kaso laban sa dating kongresista ng Nueva Ecija kaugnay ng pagkakasangkot umano nito sa pork barrel fund scam noong 2007.

Ito ay nang ibasura ng kataas-taasang hukuman ang petisyon ni dating Nueva Ecija 4th District Rep. Rodolfo Antonino na kumukuwestiyon sa naging findings ng Office of the Ombudsman na nagrerekomendang kasuhan na ito ng paglabag sa Republic Act 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act) at malversation sa Sandiganbayan.

Nag-ugat ang kaso dahil sa paggamit ng dating kongresista sa kanyang Priority Development Assistance Fund (PDAF) o pork barrel fund.

“Petitioner (Antonino) failed to show that the Ombudsman acted in a capricious and whimsical manner,” ayon sa Supreme Court.

Ipinaliwanag din ng hukuman na ang kaso ay suportado ng ebidensyang hawak ng anti-graft agency.

Sa rekord ng kaso, natuklasang hiniling ni Antonino ang agarang pagpapalabas ng ₱15 milyon mula sa kanyang PDAF para sa livelihood projects.

Matapos maglabas ng notice of cash allocation ang Department of Budget and Management (DBM) noong Pebrero 23, 2007, agad ding hiniling ni Antonino kay dating Department of Agriculture (DA) Secretary Arthur Yap na ilipat ang nasabing pondo sa National Agribusiness Corporation (Nabcor).

Pumirma naman ang Nabcor ng memorandum of agreement (MOA) sa Buhay Mo Mahal Ko Foundation, Inc. (BMMKFI) na nagsisilbi namang project implementer.

Noong Marso 22, 2007, bumili ang BMMKFI ng 7,275 sets ng Livelihood Technology Kits (LTKs) na ₱2,000 per set sa CC Barredo Enterprises at ito ay nagkakahalaga ng kabuuang ₱14.550 milyon.

Binawasan naman ng Nabcor ng ₱450,000 ang nasabing pondo ng kongresista bilang management fee.

Sa kasunduan, ipamamahagi ang LTKs sa pitong munisipalidad at lungsod na nasasakupan ni Antonino

Gayunman, natuklasan ng Ombudsman Field Investigation Unit na walang naipamahaging LTKs sa mga lugar na dapat makikinabang nito.

Bukod dito, sinabi ng Ombudsman na labag din sa batas ang pagpili ng project implementers dahil hindi umano nakasunod ang mga ito sa "technical, legal at financial qualifications sa pagiging supplier o contractor.

Hindi rin nakasunod ang mga ito sa mga probisyon ng Government Procurement Act kaugnay ng pagsasagawa ng public bidding.

PNA