Magandang balita dahil tuluyan nang maipapagawa ang mga simbahan at chapels na winasak ng bagyong Odette sa 10-diyosesis ng Simbahang Katolika sa Visayas at Mindanao.
Ito’y sa tulong ng matagumpay na Padayon online concert ng Caritas Manila na pinangunahan ng Viva artists noong Marso 25, 2022 upang makalikom ng pondo para sa pagpapakumpuni ng mga naturang nasirang simbahan.
Nabatid na nakalikom ang Caritas Manila ng P22-milyon sa naturang konsiyerto na pinangunahan ng sikat na singer na si Sarah Geronimo at ng kanyang asawang si Matteo Guidicelli.

Batay sa ulat ng Caritas Manila, una na rin silang nakapagkaloob ng may P47-milyon halaga ng tulong sa libu-libong mamamayan na lubhang apektado ng pananalasa ng bagyong Odette sa Diocese of Surigao, Diocese of Tagbilaran, Diocese of Talibon, Diocese of Maasin, Archdiocese of Cebu, Diocese of Kabankalan, Diocese of Dumaguete, Diocese of San Carlos, Apostolic Vicariate of Puerto Princesa at Apostolic Vicariate of Taytay Palawan.
Sa naturang halaga, P37-milyon ang ibinigay ng Caritas Manila para sa agarang pangangailangan ng 38,000 pamilya habang ang P10-milyon naman ay para sa rehabilitasyon ng pinakamahihirap na komunidad na nasalanta ng bagyo sa Visayas at Mindanao.
Sa pamamagitan naman Caritas Manila Damayan Program ay kinakalinga ang mahigit 37,000 pamilya sa Regions 11, 10, 8, 6, 5, MIMAROPA at CARAGA na walang matirahan at nananatili sa mga evacuation centers matapos sirain ng bagyo ang kanilang mga tahanan.
Iniulat din ng Caritas Manila na umaabot sa P2.14-bilyon ang naitugon ng social arm ng Archdiocese of Manila sa pangangailangan ng mga pinakamahirap na pamilya na lubhang naapektuhan ng COVID 19 pandemic.
Ayon sa social arm ng Archdiocese of Manila, naitala sa P1.7-bilyon noong 2020 at P418-milyon noong 2021 ang COVID-19 relief assistance o Food packs, sanitation kits, grocery at gift checks na naipamahagi sa mga mahihirap na pamilya maging sa pinakaliblib na lugar sa bansa.
Kaugnay nito, nananawagan naman si Fr. Anton CT Pascual, executive director ng Caritas Manila ng patuloy na pagkakaisa at pakikibahagi ng mamamayan upang matulungan ang mga hindi pa nakakabangon sa epekto ng pandemya.
“Addressing not only the health but also the economic effect of this pandemic can only be achieved if we work closely together and share our common goal of making a positive impact in the lives of those at the bottom of the pyramid,” ani Pascual.
Sa kabila ng epekto ng pandemic, tinutukan din ng Caritas Manila ang kinabukasan ng mga mahihirap na estudyante sa bansa sa pamamagitan ng pagpapalawak sa YSLEP o Youth Servant Leadership and Education Program.
Sa nakalipas na taon sa gitna ng COVID 19 pandemic, P106-milyon ang inalaang pondo ng Caritas Manila sa pag-aaral ng 4,639 na YSLEP scholars sa Technical-Vocational at Tertiary level education.
Iginiit ni Father Pascual sa mahalagang tulungan ang mga kabataan na makapag-aral at makapagtapos ng kolehiyo upang makaahon ang pamilya sa kahirapan dulot ng pandemya at kawalan ng trabaho.
“We believe that education is the great social equalizer if we want to overcome poverty, wehave to educate as many youths as we can with knowledge skills and attitude of a servant like the Lord,” aniya pa.
Ikinagalak naman at kinilala ni Father Pascual na marami sa kanilang mga scholar ang nakatanggap ng ibat-ibang parangal noong nakalipas na taon.
"Total of 667 YSLEP scholars received school honors and awards. The current batches produced two Magna cum Laude, one cum laude, one board passer, 53 on the President’sList, 494 on Deans List, 26 with honors, 60 academic excellence recipients, and 30 with specialawards," ayon sa pag-uulat ng Caritas Manila.
Taon-taon ay umaabot sa mahigit 5,000 ang mga YSLEP scholars ng Caritas Manila hindi lamang sa Metro Manila.