Nais ng Commission on Elections (Comelec) na magkaroon ng batas na maaaring ma-disqualify ang local at national candidates sakaling tumanggi silang sumali sa debate, ayon kay Comelec Commissioner George Erwin Garcia nitong Lunes, Abril 4.

Gusto ng poll body na gawing mandatory ang Comelec-sponsored debate sa susunod na eleksyon. 

"Ipu-push na mandatory yan lalo na sa susunod na debate, sa susunod na mga halalan natin," ani Garcia. 

"Paano po namin gagawin yan, again kukumbinsihin po natin ang ating kagalang-galang na Kongreso na sana po ay ilagay na po talaga na requirement na aattend lahat ng magiging kandidato, lokal man at nasyonal sa mga ipapatawag na debate ng Commission on Election," saad ni Garcia.

National

Abalos, tiwala sa kakayahan ni bagong DILG Sec. Jonvic Remulla

"Kung hindi, puwede siyang maging ground ng disqualification. At the same time, puwedeng maging ground ng election offense.

"Sa kasalukuyan po talaga hanggang ngayon dyan nga po kami nagkakaproblema dahil wala po kasing umiiral na batas, wala po tayong maidagdag na sanction maliban sa unang sanction lang na tungkol sa e-rally ang pupuwede nating ipatupad para sa ating mga kandidato. So hopefully po magkakaroon ng ngipin at magiging mandatory ito sa mga darating na eleksyon pa," paglalahad ng Comelec commissioner.

Nauna nang inanunsyo ng poll body na ang mga hindi dumalo ng debate ay hindi makagagamit ng E-rally platform ng Comelec.

Nitong Linggo, Abril 3, isinagawa ng Comelec ang kanilang ikalawang presidential debate kung saan tanging si presidential aspirant Bongbong Marcos Jr. lamang ang hindi dumalo-- ito rin ang ikalawang pagkakataon na hindi siya dumalo.

"Ang debate, sabi ko nga, para itong isang pintuan na magpapakita sayo ng kaloob-looban at kaisipan ng isang kandidato. Napaka-importante po ito dahil makikita rin ang kahandaan ng kandidato na humarap sa kanyang mga kababayan na nililigawan niya," saad pa ni Garcia.

"At the same time, nailahad iyong kanyang nasa isip at kanyang karanasan tungkol sa pagsolusyon sa problema ng bayan. Diba alam niyo naman po na sa debate natin makikita hindi lamang yung itsura ang titingnan natin sa mga kandidato, kung hindi kung ano ang kanilang adbokasiya at plataporma para po sa ikauunlad ng bayan," dagdag pa niya.

Magaganap ang ikatlo at huling presidential at vice presidential debate ng Comelec sa Abril 23 at 24 kung saan maaari nang magtanong ang mga tao sa mga kandidato.