Sa isang promotional video na pinamagatang 'Kape ni Nonie,' ipinaliwanag ng batikang aktor na si Nonie Buencamino kung bakit dapat si Bise Presidente Leni Robredo ang iboto ng publiko sa darating na halalan.

PANUORIN ANG BUONG VIDEO: Kape ni Nonie #LakasNiLeni

Ani Nonie, maraming nang babaeng lider sa buong mundo ang kinilala sa galing nila sa pamumuno nang hindi gumagamit ng "kamay na bakal."

"Sa buong mundo, may mga babaeng kinilala sa kanilang napakahusay na pamumuno ng kanilang mga bansa. At sila'y nakilala hindi dahil sa pagkakaroon ng kamay na bakal. Hindi naman 'yan ang basehan ng mahusay na pagiging lider," ani Nonie.

National

Bilang ex-DepEd chief: VP Sara, masaya sa naitayong museo sa Camarines Norte

Dagdag pa ng aktor, napatunayan ni Robredo ang husay nito sa pamamalakad lalo na bilang bise presidente kahit na medyo "baguhan" lamang ito sa larangan ng pulitika.

Aniya, "Ngayon naman tayo, sa darating na eleksyon, sa lahat ng mga kandidato, meron tayong nag-iisang babae. Medyo bago siya sa pulitika, pero napatunayan niya bilang vice-president nakita nating napakabuti ng kanyang pagpapangasiwa at pagpapatnugot ng pamahalaan."

"Paulit-ulit niyang pinatibayan at ni-resibuhan ang layunin niyang iangat ang buhay at dignidad ng bawat Pilipino," dagdag pa ni Nonie.

Kaya naman hinihikayat ng aktor ang publiko na piliin si Robredo dahil maling ipagkumpara ang "kahinhinan" sa kahinaan.

"Kaya sa pagpili ng pangulo, huwag na huwag nating ipagkamali ang kahinhinan sa kahinaan. Lakas ni Leni. Lakas ng taumbayan," ani Nonie.