Iniulat ng Commission on Elections (Comelec) na hanggang nitong Huwebes, Marso 31, ay natapos na ang pag-iimprenta ng 94.68% ng mahigit 67 milyong balota na gagamitin nila para sa nakatakdang national and local elections sa bansa sa Mayo 9.

Sa isang pulong balitaan, sinabi ni Comelec Commissioner George Garcia na, “As of today, 94.68 percent na po ang napi-print natin out of the 67,442,616. Therefore, nakakapag-print na po tayo ng 63,856,233.”

Iniulat rin naman niya na halos 179,000 balota ang itinuring na depektibo at kailangang iimprenta muli.

Ito aniya ay 0.28% lamang o napakaliit na porsiyento ng kabuuang bilang ng mga balotang natapos iimprenta.

National

Apollo Quiboloy, naghain ng COC sa pagkasenador: ‘Dahil sa Diyos at Pilipinas’

“Ang atin po ngayon na defective ballots, which would be subject of reprinting, ay 178,990,” dagdag pa niya.

“So, still very manageable, napakaliit. Ang importante nakikita ‘yung mga ganitong problema, diperensiya,” aniya pa.

Base sa datos ng Comelec, mayroong 65.8 milyong eligible voters para sa halalan.

Ayon kay Garcia, sa naturang bilang, 6,950,449 ang mga bagong botante.

“Take note, new registrants po ‘yan. Hindi pa po kasama ‘yung mga SK (Sangguniang Kabataan) na dating 15 to 17 na automatically makakaboto na… ‘Yun naman po ay 1,520,500,” aniya.

Mayroon rin aniya silang 755,769 registration records na kinansela matapos na matuklasan ang mga ito ay namatay na.