Nagkabarilan ang mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) at mga dayuhang sindikato malapit sa isang hotel-casino sa Parañaque City noong Huwebes ng gabi, Marso 24, 2022, matapos ang isang operasyon.

Sinasabing ang mga sindikato na nakaengkuwentro ng mga tauhan ng NBI ay Chinese gun-running syndicate, o mga nagsusuplay ng baril sa mga kriminal.

Ayon sa ulat, naispatan umano ang dalawa sa parking area ng isang Solaire Resort and Casino. Nakipagbarilan umano ang mga suspek sa mga tauhan ng NBI-Interpol at kinalaunan ay nagawang makatakas. Napatay umano ang isang miyembro na isang Vietnamese habang sugatan at isinugod sa ospital ang isang Chinese.

"They were able to escape when the gunfight ensued," pahayag ng NBI spokesperson na si Ferdinand Lavin.

'Mauubos lang ang oras ko:' Leila De Lima, iisnabin na lang mga basher

Bago ang insidenteng ito, dalawang Chinese na miyembro rin ng sindikato ang naaresto sa isinagawang buy-bust operation isang Chinese restaurant naman sa Pasay. Kasama sa mga naaresto ang isang Pilipinong nagngangalang Mark Rodel Ocampo, na umano'y lider ng pangkat.

"Ito 'yung lumalabas na mastermind. Ito 'yung naghahanap ng sources ng baril. Ito rin 'yung allegedly involved sa pagtumba nung Chinese nationals na hindi tumutupad sa ransom payments," saad pa ni Lavin sa panayam.

Patuloy umanong tinutugis ang iba pang miyembro ng sindikato na nakatakas sa naturang engkuwentro. Wala namang nasaktan sa panig ng NBI.

Kumakalat na sa TikTok ang kuhang video ng naturang engkuwentro, na kuha ng mga sibilyan na nakasaksi sa insidente.

Samantala, naglabas naman ng opisyal na pahayag ang Solaire tungkol sa naturang insidente.

"We would like to clarify that the reported incident occurred on March 24 at approximately 11:30 PM was outside the vicinity of Solaire and is not in any way associated with the Solaire property," saad ng pamunuan ng Solaire.

"This is an isolated case handled by the local authorities," giit pa nila.