Bagama't sinusuportahan nito ang unti-unting pagpapatuloy ng mga limitadong harapang klase, sinabi ng isang grupo ng mga guro na "hindi magiging praktikal" na magsagawa ng mga face to face classes sa ngayon dahil malapit nang matapos ang school year.

Sinabi ng Teachers’ Dignity Coalition (TDC), isang grupong may 30,000 kasapi, na mas makabubuti kung muling isasaalang-alang ng Department of Education (DepEd) ang pagpapatupad ng face-to-face classes ngayong school year.

“Mainam po na nagpapalano na tayo at this early para sa face to face classes, pero sa tingin ko hindi naman praktikal na ipagpilitan pa ito ng DepEd ngayon dahil malapit na rin ang 4th quarter,” ani TDC Chair Benjo Basas.

Suspendido ang mga personal na klase sa mga paaralan sa Pilipinas simula noong Marso 2020 dahil sa banta ng Covid-19.

Probinsya

13-anyos, pinakabatang nagpositibo sa HIV sa Palawan

Noong 2021, pinahintulutan ang DepEd na magsagawa ng pilot study sa limitadong face-to-face classes sa 120 paaralang nag-aalok ng basic education. Ang mga pilot school, na matatagpuan sa mga low-risk areas, ay nagsimulang magsagawa ng face-to-face classes mula Nobyembre hanggang Disyembre noong nakaraang taon.

Ngayong taon, ang DepEd ay nagpapatupad ng progresibong pagpapalawak ng limitadong harapang klase. Mayroong mahigit 10,000 pampubliko at pribadong paaralan sa buong bansa na kasalukuyang nagsasagawa ng mga personal na klase.

Para sa TDC, ang pagpapatuloy ng face-to-face classes sa puntong ito ay manggigipit lamang sa mga paaralan at mga tauhan ng DepEd.

“Nagkukumahog tuloy yung mga tao sa field kung paano mag-comply sa requirement,” ani Basas.

Bago payagang magsagawa ng limitadong face-to-face classes ang mga paaralan, kailangan nilang sumailalim sa assessment ng Department of Health (DOH).

Kailangan ding sumunod ang mga kalahok na paaralan sa mga kinakailangan na itinakda ng DepEd na nakasaad sa School Safety Assessment Tool (SSAT) nito.

Kailangan ding kumuha ng pag-apruba ang mga paaralan sa kani-kanilang local government units (LGUs); i-secure ang written consent ng ng mga magulang na nagpapahintulot sa kanilang mga anak na lumahok sa limitadong harapang klase, at kailangan nilang tiyakin na ang kanilang mga pasilidad ay handa para sa personal na pagka-klase.

Gayunpaman, sinabi ni Basas na ang ilang mga paaralan ay maaaring nahihirapan sa pagsunod sa mga kinakailangan para sa pagpapatuloy ng limitadong harapang klase.

“Hindi naman simple ang kailangang paghahanda para matiyak na ligtas ang mga guro at mga bata sa pagbabalik-eskwela,” paliwanag niya.

Dahil dito, hinihimok ng TDC ang DepEd na magsagawa ng konsultasyon sa mga guro at tauhan sa larangan.

“Siguro dapat gawin ng DepEd ay makikipagkonsultahan sa mga guro at kuhanin ang aming sentimyento at opinyon,” paghihimok ni Basa.

Merlina Hernando-Malipot