Camp Olivas, City of San Fernando, Pampanga - Kaagad na sinibak sa puwesto ang 10 na pulis matapos umanong tangayin ang halos ₱380,000 taya sa tupada sa Bacolor kamakailan.

Sa pahayag ni Police Regional Office 3 (PRO3) director Brig. Gen. Matthew Baccay, isinagawa niya ang nasabing hakbang nitong Huwebes upang hindi maimpluwensyahan ng mga ito ang imbestigasyon sa kanilang kaso.

Gayunman, hindi na muna isinapubliko ni Baccay ang pagkakakilanlan ng 10 na pulis na pawang nakatalaga sa Provincial Intelligence Unit ng Pampanga.

Nag-ugat ang usapin sa ikinasang anti-illegal gambling operations sa isang compound sa Barangay Duat, Bacolor nitong Marso 19.

Probinsya

Ash falls dulot ng bulkang Kanlaon, naranasan sa ilang bahagi ng Negros Occidental

Sa paunang report ng pulisya, nahuli sa akto ng mga pulis ang grupo ng mga sabungero.

At habang iniimbentaryo ng 10 pulis ang narekober na ebidensya, kabilang na ang ₱379,700 at mga alahas ay nilapitan umano sila ng may-ari ng compound na si Alberto Gopez na nakikiusap na huwag na silang kasuhan.

Kaagad namang pinakawalan ang grupo ni Gopez at kaagad na umalis ang mga pulis, tangay ang pera ng mga sabungero.

Dahil sa insidente, nagreklamo sa Pampanga Provincial Police Office ang mga sabungero laban sa 10 na pulis.

Ang 10 na pulis ay inilipat muna sa Provincial Personnel Holding and Accounting Unit (PPHAU) habang hindi pa natatapos ang imbesgasyon sa kaso.

Pansamantala ring binawi ang kani-kanilang service firearms.