Buo ang kompyansa ng Commission on Elections o Comelec na magiging mas transparent ito sa paghahanda para sa paparating na eleksyon sa Mayo 9 — mapa pambansa man o lokal.

Nangako si Comelec chairperson Saidamen Pangarungan sa isang press conference noong nag walk-through ng vote-counting machines (VCMs) at consolidation and canvassing system (CCS) production at deployment process sa Sta. Rosa, Laguna na magiging maingat ito sa balota at ituturing itong sagrado.

"When we assumed office, we vowed for the sanctity of the ballots as our guiding principle. On my part as Chair of the Comelec, I made it very clear that my policy is complete transparency," ani Pangarungan.

Giit pa ni Pangarungan na ginagawa nila ang lahat ng pagkakataon upang buksan ang mga paghahandang ito sa publiko nang hindi nakompromiso ang seguridad ng mga balota.

National

Apollo Quiboloy, naghain ng COC sa pagkasenador: ‘Dahil sa Diyos at Pilipinas’

Tinugunan din ni Commissioner George Erwin Garcia ang mga pahayag ni Pangarungan na binanggit na magkakaroon ng regular na briefing ang Comelec sa mga stakeholder hinggil sa kanilang mga paghahanda.

Aniya, "Every week, we will be conducting a briefing to all political parties, party-lists, media, stakeholders, citizens arm on what are the updates, what are the developments, what are the present statuses of the deployment."

Matatandaan na kamakailan lamang, ipinagtanggol ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Comelec sa gitna ng mga alegasyon ng pagbalewala sa panuntunan ng pagbubukas ng mga paghahanda sa pag-imprenta ng balota sa mga election observation groups.

Nauna nang binatikos ng mga poll watchdog, kabilang ang National Citizens Movement for Free Elections (Namfrel), ang Comelec sa hindi pagpayag ng mga election observation group na makita ang paghahanda para sa pambansang halalan.

Samantala, sinabi ni Garcia na sinimulan na ng Comelec ang deployment ng mga ballot boxes na gagamitin sa araw ng halalan.

Ang deployment mula sa bodega patungo sa maraming provincial hub ay nagsimula noong Pebrero 1 at inaasahang magtatapos sa Marso 31.

Magsisimula ang deployment ng mga voting machine at CCS laptop sa Abril 2 hanggang Abril 19.

Ang mga opisyal na balota ay ipapadala mula sa National Printing Office simula Abril 20 hanggang Mayo 5.