Labis na ikinatutuwa ni Papal Nuncio to the Philippines Archbishop Charles John Brown ang pananatiling matatag ng pananampalataya ng mga Pinoy sa Panginoon sa gitna ng pandemya ng COVID-19.

Ayon kay Brown, ikinagagalak niya ang nakikitang pananabik ng mga Pinoy na makapasok muli sa mga simbahan at makadalong muli sa mga banal na misa makalipas ang dalawang taon, ngayong nasa Alert Level 1 na sa COVID-19 ang ilang lugar sa bansa.

“I think one of the encouraging things in the Philippines is that, as COVID is disappearing numbers of masses are returning with strength,” pahayag pa ni Brown sa programang Pastoral Visit on-the-air ng church-run Radio Veritas nitong Sabado.

Sinabi ng nuncio na maraming lugar kabilang na sa Europa ang nangangamba na hindi bumalik ang mga tao sa simbahan at nasanay nang hindi pumasok ng parokya dulot ng dalawang taong pandemya.

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

“In places like Europe, some are worried that when COVID is finished they would have lost some of their people who will not come back. They’d lost the practice and habit of going to mass during these two years and they won’t come back,” dagdag pa ng papal nuncio.

Aniya, isa sa pinangangambahan ng Santo Papa Francisco na epekto ng dalawang taong pag-iral ng pandemya na maging karaniwan na ang hindi pagsisimba sa mga parokya lalo na sa simbahan ng Europa.

Natutuwa naman ang nuncio na ang pangambang ito ay hindi makikita sa mananampalatayang Pinoy na higit pang nasasabik na makapasok sa mga simbahan.

Sa ilalim ng alert status 1, pinapayagan na ang 100 porsiyento ng kapasidad sa mga pampublikong sasakyan, gusali at establisimyento gayundin sa mga parokya.