Magandang balita dahil maaari na umano ang face-to-face na serbisyo at pagpapakonsulta sa lahat ng city run hospitals sa lungsod ng Maynila ngayon, kasunod na rin nang patuloy na pagbaba ng mga naitatalang bagong kaso ng COVID-19.

Ito ang inanunsyo ni Manila Vice Mayor Honey Lacuna sa lingguhang capital report ng lungsod noong Biyernes.

Ayon kay Lacuna, sa kanyang pakikipag-usap kay Manila Mayor Isko Moreno, kinumpirma nito na sinuman ang nangangailangan ng serbisyong medikal ay welcome sa lungsod hanggat kaya ng mga ospital.

“Unti-unti na po tayong nagbubukas ng ating mga ospital dahil sa pagbaba ng COVID kaya ‘yung mga naantala ang pagpapa- check up, bukas na po ang ating outpatient department (OPD),” anang bise alkalde.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

“‘Yung mga natatakot pumunta sa ospital, ngayon ay pwede na kayong personal na magpa-check up. May face-to-face consultation na sa OPD. Lahat ay welcome makakuha ng health services, sabi nga ni Yorme,” dagdag pa niya.

Kabilang sa mga pagamutan na pinatatakbo ng pamahalaang lungsod ay ang Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center (first district); Ospital ng Tondo (2nd district); Justice Abad Santos General Hospital (3rd district); Ospital ng Sampaloc (4th district); Ospital ng Maynila (5th district);Sta. Ana Hospital (6th district) at ang Manila COVID-19 Field Hospital.

Kaugnay pa nito, sinabi rin ni Lacuna na gaya ng direktiba ni Moreno, ang bagong dating na 2,500 kahon ng Bexovid, isang anti-viral pill para sa gamutan ngmild hanggang moderate COVID-19 sa mga indibidwal na edad 12 pataas, ay available sa sinumang nangangailangan nito maging taga-Maynila man o taga-ibang lungsod at lalawigan.

“Hindi lang po ito para sa mga Batang Maynila. Lahat ng nangangailangan ay maaring makipag-ugnayan sa Manila Emergency Operations Center (MEOC),” ayon pa kay Lacuna.

Aniya, ang contact numbers ng MEOC, na pinamumunuan ni Manila Health Department (MHD) chief Dr. Poks Pangan at ng kanyang deputy na si Dr. Ed Santos, ay makikita sa Facebook account ni Mayor Isko at gayundin sa kanyang FB account at pati na sa Manila Public Information Office.

Sinabi ni Lacuna na ang Bexovid, ay maaring gamitin sa COVID-19 patients na outpatient na sa kanilang tahanan lamang nagpapagaling.

“Basta’t may tamang reseta and waiver mula sa pasyente at sa doctor dahil special permit lang ang ibinigay para dito. Masuwerte tayo dahil kumpleto na halos lahat ng gamot sa COVID dito sa lungsod ng Maynila," dagdag pa ni Lacuna.

Ang pamahalaang lungsod ng Maynila sa ilalalim ng pamamahala ni Moreno ang tanging lokal na pamahalaan na namamahagi ng libre, mamahalin at mahirap na mahagilap na anti-COVID medicines maging sa mga malalayong probinsya sa bansa.