Nagpakita ng 'resibo' o ebidensya na maayos naman ang ugnayan nina Unkabogable Star Vice Ganda at Miss Q&A Grand Winner Juliana Parizcova Segovia, ayon sa kaniyang latest Facebook post nitong Marso 11, 2022.
Ibinahagi ni Juliana ang screengrab ng pag-uusap nila sa personal Facebook account ni Vice Ganda kung saan ipinadala ni Miss Q&A ang artikulong naisulat ng Balita Online, hinggil sa naging panayam ni Juliana kay Ogie Diaz, kung saan pinabulaanan niyang dinedma siya ng sikat na TV host-comedian.
Sa katunayan nga raw, si Juliana ang lumapit kay Vice, nag-beso sila at nagkumustahan.
"I appreciate this (tatlong heart emojis)", pahayag ni Vice kay Juliana.
"Ingat ka lagi. God bless," dagdag pa nito.
Tugon naman ni Juliana, "Meme, alam mo po kung gano kita kamahal. Salamat meme."
Kaya sey ni Juliana sa caption ng kaniyang FB post bilang pag-call out sa netizen na gumawa ng isyu, "Tama na ang pagawa n'yo ng issue at pagpapalaganap ng mga balitang walang katotohanan… gawain lang 'yan ng mga mahinang nilalang…pag galit kayo, galit lang walang damayan ng mga taong nananahimik… hays KENNAT HITO sana matauhan ka na."
Nagsimula ang isyu umano ng dedmahan nang sabihin ng isang netizen na tama ang hinala niya na galit umano at 'sukang-suka' si Vice Ganda, nang magkrus ang mga landas nila sa naganap na Miss International Queen Philippines 2022 noong Marso 6, 2022.
Basahin: https://balita.net.ph/2022/03/08/vice-ganda-sukang-suka-raw-kay-juliana-segovia/
Hindi naman malinaw sa paskil ng netizen ang dahilan ng umano’y pagdedma kay Juliana sa coronation night.